Pumanaw din sa COVID, showbiz nagluksa kay Direk / Brgy. Captain Toto Natividad
MANILA, Philippines — Nagluksa na naman ang showbiz kahapon sa pagkawala ni Direk Toto Natividad dahil sa COVID complications.
Tumatak sa mga action film si Direk Toto na isang barangay captain din ng NBBS Kaunlaran, Navotas.
Sa Facebook page ni Navotas Mayor Toby Tiangco, kinumpirma nito ang pagpanaw ni Direk Toto. “Isa na namang masipag na serbisyo publiko at matapat na katuwang ng pamahalaang lungsod sa paglaban sa pandemya ang nawala sa atin. Ikinalulungkot po nating ibalita ang pagpanaw ni Kap. Toto Natividad, punong barangay ng North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran.
“Kahit na senior citizen na at bahagi ng bulnerableng sektor na may mas mataas na tyansang mahawa ng COVID-19, hindi nagpapigil si Kap. Toto sa pangunguna sa pag-asikaso at pangangalaga sa kanyang mga kabarangay. Palagi ang kanyang paalala sa kanyang nasasakupan, mapa-personal o sa social media, na mag-ingat para makaiwas sa sakit.
“Nakikiramay tayo sa kanyang pamilya, kaibigan at lahat ng mahal sa buhay, at sa lahat ng mga taga-NBBS Kaunlaran. Malaking kawalan si Kap Toto, hindi lamang sa inyo, kundi sa buong Navotas. Hindi matatawaran ang kanyang paglilingkod, at nawa’y manatili sa atin ang mga aral na kanyang naituro at kabutihan na kanyang nagawa,” ang buong post ni Mayor Toby kahapon.
Exactly a week ago nang mabasa namin ang isang message na diumano’y naghahanap ito ng slot sa hospital at nananawagan ng financial assistance.
Kilalang film editor si Direk Toto bago naging mahusay na action movie director na paborito noon nina Rudy Fernandez.
Isa rin siya sa naging unang mga direktor ng Ang Probinsyano ni Coco Martin.
Marami pa ring nakakaalala nang personal itong pasalamatan ni Tom Cruise sa Oscars dahil sa pag-i-edit nito sa Born On the Fourth of July na pinagbidahan ni Tom na kinunan sa Pilipinas ang ibang mga eksena.
Sa isang hospital sa Pampanga namatay si Direk Toto dahil doon daw nito gustong magpa-confine.
RIP, Direk Toto.
- Latest