Nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa “community pantry.”
Ang ideya riyan ay mabigay ng tulong sa kapitbahayan. Kaya kita ninyo ang karamihan, isang mesa lang pero hindi naman nagkakagulo.
Kukuha sila ng kailangan nila, at tapos may darating namang magbibigay ng tulong nila.
Ang nangyari doon sa community pantry ni Angel Locsin, may naglabas sa social media at ipinakita pa ang mga nakatakdang ipamigay, kaya marami ang sumugod doon.
Mayroon pa raw galing sa Cavite. Isipin ninyo, may pamasahe mula sa Cavite, hindi mo masabing nagugutom iyan. Gusto na sigurong makapag-grocery nang libre niyan. Ang community pantry, dapat pantulong lang doon sa talagang walang-wala, pero ngayon mukhang inaaraw-araw na ng iba at iniaasa na ang kakainin nila sa community pantry.
Iyan ay isang bagay na hindi naman talaga akalain ni Angel Locsin, dahil kung naisip niyang dadagsain siya nang ganoon, aba eh humingi na iyan ng tulong.
Nakita nga ninyo, lumapit sila sa barangay at humingi lamang ng assistance ng dalawang tanod. Ibig sabihin hindi nila naisip na dadagsain sila, at may darayo pang taga-malalayong lugar.
Sino ba ang mag-iisip na may taga-Cavite na darayo pa sa Quezon City para sa isang community pantry?
Sino rin naman ba ang mag-iisip na may isang senior citizen na 67 years old na pipila pa sa community pantry ganoong ayaw na ngang palabasin ng bahay iyong 65?
Pero siguro nangyari nga iyon dahil sa matinding pangangailangan.
Hindi naman nagpabaya si Angel. Sinamahan niya sa ospital ang biktima. Binayaran niya ang lahat ng gastos sa ospital. Kinausap din niya ang mga kaanak ni Mang Rolando (Dela Cruz), humingi siya ng paumanhin at nangako ng tulong, kahit na ano pang tulong ang magagawa niya para sa pamilya.
Kaya naman iyong pamilya mismo ng namatay naintindihan na hindi naman kasalanan ni Angel ang nangyari. Para ngang inaako pa nila ang pagkakamali dahil si Mang Rolando raw ay mahilig talagang pumila basta may nagbibigay ng ayuda, kahit hindi na dapat at sinasaway na nga rin ng mga anak niya.
Mabilis din naman ang kilos ng Quezon City government. Mabilis namang dumating si Mayor Joy (Belmonte) at sinabing sasagutin na ng kanyang tanggapan ang pagpapalibing kay Mang Rolando.
Mabilis din niyang kinausap ang lahat para makabuo na ng guidelines na dapat ipatupad sa community pantry.
Kung taga-Cavite ka mayroon namang community pantry doon. Tama ba na i-bash si Angel Locsin dahil sa nangyaring iyan?
Isip-isip mga dabarkads, kasi kung ang nagtayo ng isang community pantry na ang layunin lang naman ay makatulong sa kanyang kapwa, babanatan pa ninyo nang ganyan sa isang pagkakamaling hindi naman intentional, madadala iyan.
Hindi na bago sa pagtulong si Angel, panahon pa ng Yolanda matindi na ang tulong niya. Ibinigay pa niya noon sa isang kotse niya para ibenta at ang napagbilhan ay itinulong nga sa mga biktima ng Yolanda.
Noong pumutok ang Taal bago ang pandemya, naroroon din si Angel.
Iyan lang ang artistang nakita naming nakalupasay sa sahig at nagbabalot ng relief goods doon mismo sa bodega ng Red Cross.
Kaya sana hinay-hinay sa pagbanat kay Angel. Hindi niya ginusto ang nangyari.
Lucky mart, malaking tulong sa maliliit na negosyo
Akala mo community pantry rin ang ginagawa ngayon noong Lucky Mart. Nagsimula sila bilang convenience store lang sa Batangas, pero dahil sa pandemya, sinimulan na nila ang isang internet application para mabili ninyo nang mura kung ano man ang kailangan ninyo, ihahatid pa sa bahay ninyo, at ang presyo mas mababa.
Tinutulungan pa nila ang mga baguhan at maliliit na negosyante, halimbawa iyong mga gumagawa ng pagkain, dadalhin lang nila iyon sa Lucky Mart, isasama sa kanilang paninda, na walang tubo para matulungan ang maliliit na manufacturers at mabili iyon nang mura ng mga tao.
Sa panahong ito ng pandemya na marami ang natatakot lumabas at baka mahawa pa sila, at marami rin naman na dahil sa edad ay ayaw nang papasukin maski sa supermarket, malaking bagay ang ginawa ng Lucky Mart. Hindi na negosyo iyan, tulong na lang iyan sa masa.
At kung ang binili mo hindi nila maihatid sa loob ng dalawang oras, i-report daw ninyo sa kanila at sa susunod na pagbili ninyo hindi na nila sisinglin ang delivery charge.
Huwag na ninyo silang hanapan ng artistang endorser. Babayaran pa iyon at makakadagdag ng presyo sa bibilhin ninyo.