Bernadette, nagpositibo rin sa COVID!

Bernadette

Nakakabahala at nakakalungkot pa rin ang nasasagap naming balita tungkol sa mga kuwentong COVID-19 na nakuha ng mga artista at production staff sa lugar ng trabaho.

Kahapon ng umaga ay kinumpirma ni Karen Davila sa kanyang programang Headstart na nag-positive nga raw sa COVID-19 si Bernadette Sembrano.

Kaya nag-self quarantine na muna ang kasamahan nitong sina Noli Boy de Castro at Henry Omaga-Diaz. At kung hindi kahapon ay baka ngayong araw malalaman na ang resulta ng kanilang RT-PCR test.

Kaya naman kahit sa GMA News ay talagang nag-iingat sila. Kaya kung napapansin n’yo hindi muna napapanood sina Mike Enriquez at Mel Tiangco. Ang mga non-senior munang broadcaster ang isinasalang - sina Vicky Morales, Atom Araullo, Pia Arcanghel at Ivan Mayrina.

Ang isa pang nakakalungkot na kuwento, katatapos lang din mag-taping ang isang drama series na patapos na ang kuwento. Pero natigil ng taping dahil sa mga nahawa sa set na nag-resume kamakailan lang, pero nang mag-pack up sila may mga nag-positive sa kanilang exit swab test.

May ilang production staff na positive sa COVID-19 na hindi pa nila alam kung saan sila nahawa. Inaalam pa kahapon kung meron ba sa mga artista nila ang nahawa rin.

Kaya dobleng nag-iingat ngayon ang mga magsisimula pa lang mag-taping.

Lock-in nina Julie Anne at David, nega pa rin pagkatapos 

Ito naman ang ipinagmamalaki ng grupo ng Heartful Café nina Julie Anne San Jose at David Licauco.

Nakadalawang cycle sila ng taping at awa ng Diyos, wala raw nagkasakit sa kanila.

Pumasok sila sa lock-in taping ng negative, lahat sila ay negative rin ang resulta paglabas ng set.

First time ni Julie Anne na masalang sa lock-in taping at sobrang saya niya dahil okay daw ang kanilang samahan lahat at nagkakasundo raw silang lahat. “Itong project na ito very collaborative and open lahat na ideas. ‘Yun naman ang kagandahan sa team namin ay bukas kaming lahat. Never kaming nagkaroon ng problema, hindi kami nahirapan sa isa’t-isa.

“Nakatulong din talaga ‘yung lock-in taping kasi magkakasama na kaming lahat dun sa location. Tapos, nandun na rin mismo yung set namin. Dun kami natutulog, dun kami kumakain, lahat nandun na.

“Ang ganda ng ambience. Ang ganda ng working environment namin lahat,” pahayag ni Julie Anne sa nakaraang virtual mediacon ng Heartful Café.

Sa totoo lang, binanggit noon ni Julie Anne na ayaw muna niyang mag-drama at sa music muna siya mag-focus dahil nagre-record pa siya ng mga nagawa niyang kanta.

Pero maganda raw kasi ang material at hindi mabigat ang concept. Kaya nung tinawagan daw siyang magpa-audition, excited siyang gawin ito.

“Sobrang nag-look forward ako kasi magaling ‘yung team namin, ‘yung production namin, and sobrang light lang ng script. And of course first time kong nakatrabaho si David (Licauco) sa isang project. Si EA (Edgar Allan Guzman) nakatrabaho ko na siya before, pero usually production numbers lang sa variety show. Sobrang promising lang po talaga yung show,” saad ni Julie Anne.

Sa Lunes, April 26, na magsisimula ang Heartful Café, pagkatapos ng First Yaya.

Show comments