Kabilang si Albie Casiño sa teleseryeng Init sa Magdamag na pinagbibidahan nina Gerald Anderson, Yam Concepcion at JM de Guzman.
Ayon kay Albie ay talagang naging malapit silang magkaibigan ni JM dahil sa ginawang lock-in taping para sa naturang serye. “Sobrang naka-build ako ng friendship do’n. As in to the point na neighbor ko na si JM. Itong condo ko, condo niya dati. Sabi ko sa kanya lumipat siya do’n sa taas para ako na lang dito. Now he’s my neighbor literally. I go to his house everyday. Do’n ako nagbubuhat eh,” kuwento ni Albie.
Ilang buwan din ang inabot ng ginawang lock-in taping para sa bagong teleserye. Aminado si Albie na ngayon ay hinahanap-hanap na niyang makapagtrabaho muli sa kanilang set. “Sa totoo lang mahirap ‘yung lock-in taping talaga pero it was a fun experience. Recently lang, mag-isa ako rito sa condo iniisip ko nakaka-miss din pala siya eh. Kasi siyempre habang nando’n ka mahirap kasi walang signal kung saan kami nagte-taping, tapos ikaw lang nando’n, wala ka talagang magawa eh. Gusto mo talaga umuwi pero siyempre ngayon na nandito na ako, nami-miss ko na siya,” paliwanag ng binata.
Samantala, aktibo rin si Albie sa pagbibigay ng kanyang mga opinyon tungkol sa kalagayan ng bansa partikular sa kinakaharap nating pandemya. “I pay taxes. ‘Pag dumarating ‘yung tseke ko nakikita ko ‘yung mga kaltas. So I feel like I have a right to voice my opinion, ‘yon lang. Because that’s where my taxes go. Nakikita ko how much taxes ko tapos nakikita ko ‘yung response sa COVID. Sinong hindi magagalit ‘di ba? I’m not really mad at the government. I’m just mad at how they’re handling things,” giit ng aktor.
Mercedes, nag-alangan uling umarte
Nagdalawang-isip si Mercedes Cabral na tanggapin ang kanyang role bilang si Agatha sa teleseryeng Huwag Kang Mangamba. Kontrabida ang role ng aktres kaya talagang pinag-isipang mabuti kung tatanggapin ang proyekto. “Actually no’ng sinabi sa akin itong project na ito nag-alangan ako kung kaya ko bang tanggapin. Kasi it’s been a year na hindi rin ako active in TV. So feeling ko no’ng umpisa nangangapa rin ako. May question na para sa akin na masyadong malaki itong role para sa akin. Kakayanin ko ba ito, na bumalik after the lockdown na wala akong project,” pagtatapat ni Mercedes.
Para sa aktres ay hindi tipikal na kontrabida ang masasaksihan ng mga manonood sa kanya kaya kailangang pakaabangan ang mga eksena nila ni Francine Diaz. “Itong character na ito, ang role na kontrabida is to add some spice sa istorya. So ang character na ito, makikita n’yo si Agatha na hindi naman siya ‘yung sobrang masamang tao, may soft side din siya. Mainly ang impact ni Agatha ay sa buhay ni Joy (karakter ni Francine),” pagbabahagi ng aktres. (Reports from JCC)