Maaari nang subaybayan ng mga manonood sa Pilipinas ang maaksyong kuwento ng dating US secret agent na si Alex Walker sa Almost Paradise sa Ingles o Filipino.
Bukod sa Filipino-dubbed version ng crime drama series, libre na ring mapapanood ang orihinal na bersyon nito, na unang ipinalabas sa Amerika noong 2020, kapag nag-download ng iWantTFC app o binisita ang iwanttfc.com.
Tampok sa episode ngayong Linggo (Abril 25) ng de-kalibreng produksyon mula ang ilan pang Pilipinong aktor na tunay na may world-class na talento na sina Raymond Bagatsing, Lotlot de Leon, AC Bonifacio at Ruth Alferez.
Gagampanan ni Raymond, na nagbida rin sa isa pang international project ng ABS-CBN na Quezon’s Game, si Detective Rabara, isang bigating imbestigador na may mahalagang papel sa buhay ni Detective Kai (Samantha Richelle). Si Lotlot naman si Gloria ang bestfriend ng ina ni Kai, na gagampanan naman ni Ruth Alferez. Si AC, ang multi-talented young star na napanood kamakailan lang sa hit international series na Riverdale, ang gaganap bilang batang Kai.
Pinamagatang Rise of the Kalangay ang episode na ito, isinulat ito ni Sean Presant at dinerehe ng batikang Pilipinong direktor na si Hannah Espia. Bukod kay Hannah, nagdirek din para sa serye ang kapwa niya Pinoy filmmakers na sina Dan Villegas, Francis Dela Torre at Irene Villamor.
Mapapanood ang tumitindi pang aksyon sa Almost Paradise tampok ang galing ng Pilipino sa likod at harap ng kamera tuwing Linggo, 8:45 p.m., sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live (KOL) sa Facebook at YouTube, at iWantTFC app (iOs and Android) at website (iwanttfc.com).