Napakarami munang pinagdaanang pagsubok ng isang kilalang male personality bago natupad ang kanyang mga pangarap. Hindi ‘yun ihinain sa kanya nang isang bagsakan lang.
Nu’ng mag-audition siya sa isang network ay umaalis siya nang madaling-araw pa lang sa kanilang probinsiya na hindi naman kalayuan sa Maynila. Sumasakay siya sa bus, nagpapababa sa highway, mula du’n ay nilalakad niya na lang ang kalye kung saan nandu’n ang malaking istasyon.
Kasyang-kasya lang ang kanyang pera bilang pamasahe sa pagluwas at pag-uwi, ni wala siyang pangmeryenda, salamat at napabilang siya sa isang batch ng mga kabataang artista ng network.
Kuwento ng aming source, “Sa audition pa lang kasi, e, kinakitaan na siya ng promise ng mga direktor na pumipili sa mga nag-o-audition. Guwapo siya, magaling umarte, may character agad siya.
“So, napasama siya agad sa isang seryeng pambagets. Panalo siya, napansin agad ng manonood ang talent niya. Lumutang siya agad sa batch na kinabibilangan niya.
“Heto na. pagkatapos ng taping, e, sasakay na naman siya ng bus hanggang sa probinsiya nila, nagtiyaga siya sa ganu’ng buhay, talagang gusto niyang magtagumpay bilang artista,” unang kuwento ng aming impormante.
May napansin ang mga utility ng produksiyon sa bagets actor. Hingi siya nang hingi ng pagkain, parang ang lakas-lakas niyang kumain, samantalang hindi naman ‘yun kita sa kanyang katawan na manipis lang.
Patuloy na kuwento ng aming source, “Nagtatanungan ang mga utility kung bakit siya hingi nang hingi ng extrang kanin, saka ulam. Minsan, e, binantayan siya ng isang utility habang kumakain ang buong production. Nalaman niya ang dahilan.
“’Yung unang serving pala, e, inilalagay niya sa dala-dala niyang maliit na plastic bin. Ang pangalawa, ganu’n pa rin. ‘Yung ikatlo niyang hinihingi, ‘yun ang kinakain niya.
“Kinausap niya ang mga utility, nag-sorry siya kung bakit siya humihingi ng food. ‘Yun pala ang kinakain niya kapag pauwi na siya. Wala kasi siyang pambili ng kahit junk food lang pagkatapos ng trabaho niya.
Mula nu’n, kinukuha na ng mga utility ang lalagyan niya, pinupuno na ng food, kinukuha na lang niya pagkatapos ng taping. Awang-awa sa kanya ang mga utility,” emosyonal na kuwento ng aming impormante.
Sikat na ngayon ang male personality, ginagawaran na siya ng parangal ngayon bilang mahusay na aktor, naging kontrobersiyal lang ang kanyang buhay dahil sa rehab na siya.
“Ang ganda-ganda ng kuwento ng buhay ng male personality na ‘yun, panglibro, huwag na sana siyang bumalik sa pagmamam,” pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Mga nagtatayo ng community pantry, takot akusahang makakaliwa
Nalulungkot kami sa kinauwian ng mula sa pusong pamamahagi ng biyaya ng ating mga kababayang nakaluluwag-luwag sa buhay. Sila ang nagpasimula ng community pantry.
Panahon ngayon ng pandemya, milyong kababayan natin ang nawalan ng trabaho, nagdarahop ang mga pamilya. Dahil du’n ay naisipan ng ilang kababayan natin ang pagkakaroon ng community pantry kung saan maaaring kumuha ang mga walang-wala ng mga produktong pakikinabangan nila.
Libre ang lahat, napakalaking ginhawa ang dulot nu’n sa mga kababayan nating walang pambili ng pagkain, pero nakulayan ang ginagawa nilang pagtulong.
Tinawag sila sa iba-ibang pangalan, pinagbintangang miyembro sila ng makakaliwang grupo na nanghihikayat sa mga kababayan nating sumapi sa kanilang hanay, nakakalungkot.
Maraming bitukang nagkikiskisan sa gutom ang kanilang nababahaginan, ang pagkain sa kanilang hapag sa tanghalian at hapunan na hindi na nila bibilhin pa ay napakalaking biyaya na sana, pero minamasama pa.
Minsan ay nabasa namin, “No one became poor by giving,” ‘yun din ang pinaniniwalaan ng mga nagpasimuno sa community pantry, kung may pagkakataon naman para tayo makapagpagaan sa problema ng ating kapwa ay bakit hindi natin gagawin?
Buti nga at buhay na buhay pa rin ang kultura ng bayanihan sa ating bayan sa kabila ng kahirapan dahil sa pandemya. Buti nga at may magagandang puso na nagbibigay ng pansamantalang ayuda sa mga Pinoy na walang mahuhugot sa bulsa. Kailan pa naging krimen ang pagtulong?
Kung sobra-sobra naman para sa ating pangangailangan ang meron tayo ay bakit hindi tayo itataboy ng ating puso para makatulong?
“Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan.” Napakaganda ng layunin ng nagpasimunong si Ana Patricia Non ng Maginhawa Community Pantry.
Nahinto ang pamamahagi ng grupo ni Ana Patricia dahil tatlong pulis ang nagpunta sa kanilang puwesto, maraming tanong-tanong, inaalam na pala ang kanilang pagkatao.
Taggutom ngayon. Panglaman sa sikmurang kumukulo ang kailangan ng ating mga kababayan. Matutugunan ba ng mga pagbibintang ang kagutuman?