Piolo at Regine, muling magpapakilig

Piolo at Regine
STAR/ File

Ma-in love muli sa tambalan nina Piolo Pascual at Regine Velasquez-Alcasid dahil ipalalabas ng ABS-CBN Film Restoration ang digitally restored at remastered version ng 2007 romantic-drama hit mula Star Cinema na Paano Kita Iibigin, simula Abril 27 (Martes) sa Sagip Pelikula Festival sa KTX.

Ang pelikulang Paano Kita Iibigin ang una at huling tambalan nina Piolo at Regine sa pelikula. Ito ay mula sa kuwento nina Tammy Bejerano-Dinopol at John Paul Abellera at sa direksyon ni Bb. Joyce Bernal.

Sundan ang kuwento ni Regine bilang Martee, isang single mother na natanggal sa trabaho at pinalayas sa kanyang munting tahanan habang nakikipagsapalarang buhayin ang nag-iisa at saki­ting anak.

Napagdesisyunan niyang magbakasyon muna sila sa Zambales sa paluging resort na pagmamay-ari ni Lance (Piolo), isang negosyanteng lubhang naapektuhan matapos ang isang malagim na aksidente.

Nabuklod sila sa isa’t isa nang maging ma­nager sa resort si Martee. Madalas mang mag-away ang dalawa, ‘di magtatagal ay uusbong ang matamis na pag-iibigan nila dahil handang tulu­ngan ni Martee si Lance na makabangon mula sa kanyang nakaraan.

Alamin kung magtatagal ba ang kanilang pagmamahalan sa online screening ng box-office hit mula Star Cinema na  Paano Kita Iibigin ngayong Abril 27, 7:30 ng gabi sa KTX.ph. Mabibili na ang tickets nito sa http://bit.ly/PaanoKitaIibiginOnKTX sa halagang P150.

Magkakaroon din ito ng pre-show kasama si Eugene Domingo, at manunulat nitong si John Paul Abellera. Kamakailan din ay nag-trending sa Twitter ang remastered na pelikula bago pa ang mismong showing nito.

Maliban sa Paano Kita Iibigin, magpapakilig din ang ilan pang pelikula ni Piolo noon, tulad ng Kahit Isang Saglit, Till There Was You, Milan at  Don’t Give Up on Us simula Abril 28 (Miyerkules) sa Sagip Pelikula Festival pa rin sa KTX.

Patuloy ang adhikain ng ABS-CBN Film Restoration at ang proyekto nitong Sagip Pelikula na ibalik ang dating ganda ng mga klasikong pelikulang Pilipino. Dahil dito, kinilala na ng ilang award-giving body ang inisyatibo nito, tulad nalang ng makatanggap ito ng Gold Quill award mula sa International Association of Business Communicators at ng Gawad Pedro Bucaneg mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas.

Show comments