Lovi Kapamilya na rin, bibida sa Doctor Foster kasama si Jodi?!

Lovi
STAR/ File

Kinumpirma nga sa akin ni Perry Lansigan ng PPL Entertainment, Inc. na sa Kapamilya channel na si Sunshine Dizon. Pero hindi na siya nagbigay ng detalye kung ano ang pinirmahan ng aktres sa naturang network.

Basta ang una niyang gagawin ay ang teleserye nina Janine Gutierrez at Paulo Avelino.

Nilinaw nga ng taga-GMA 7 na hindi na na-renew ang kontrata niya. Pero hindi naman sinabi ang dahilan kung bakit.

May ilang kuwento pa kaming narinig, pero hindi naman kumpirmado kaya hayaan na lang natin.

Nakakapanghinayang lang dahil isa si Sunshine sa pinakamagaling na aktres sa Kapuso network, at dito naman talaga siya nag-grow.

Ang kasunod ngayon na pinag-uusapang lilipat na rin sa Kapamilya channel ay si Lovi Poe. Ginagawa pa ngayon ng aktres ang Owe My Love pero mukhang tatapusin lang ang isang buong season at hindi na ito ma-extend pa.

Nandiyan na kasi ang Legal Wives na pina-plug na.

Hindi lang natin alam kung bakit lilisanin na rin ni Lovi ang GMA 7 dahil hindi naman siya nawawalan ng trabaho. Magaganda naman ang projects na nabibigay sa kanya.

Maaaring may iba lang siyang gustong gawin, kaya kailangan din niya ng bagong paligid na pagtatrabahuhan tulad ni Sunshine.

Ang narinig kasi namin ay magiging bahagi raw siya ng Pinoy adaptation ng Doctor Foster na dinig naming magbibida rito ay si Jodi Sta. Maria.

Pero wala pang inilalabas na cast na bubuo ng tele­serye ang Kapamilya channel.

May nakausap lang akong taga-ABS-CBN 2 na kinumpirma sa aming tuloy daw talaga sa kanila si Lovi.

Abangan na lang natin kung may pagbabago.

Mga anak nina Derek at Ellen, parang tunay na magkapatid!

Tila nawi-weirduhan si Derek Ramsay sa ilang basher na nagtatanong na mabuti na hindi raw nagseselos ang anak niyang si Austin sa closeness nila ng anak ni Ellen Adarna si Elias.

Two years old pa lang daw si Elias at 17 na si Austin kaya ang laki ng agwat, at nakikita raw niya ang closeness ng dalawa at kung paano alagaan ni Austin si Elias.

“Ang dami ngang humihirit na nagseselos ‘yung anak ko. That’s not true. ’Yung anak ko nga, the other night, nagluto kami ng pizza sa taas, magkasama silang naglalaro ng bahay-bahayan. It’s one big family here, masaya kami,” pakli ni Derek nang makapanayam ito sa DZRH noong nakaraang Linggo. “ Mahilig din sila sa computer games, may sariling mundo rin ‘yan. So, wala ‘yung pagseselos,” sabi pa ng Kapuso actor.

Mahilig kasi sa bata si Derek at natutuwa raw siya kay Elias na kaagad naging close din sa kanya. “Si Elias naman very sociable eh. ‘Pag nag-warm up na siya sa ‘yo sobrang sweet nung bata. So, ganun naman siya. ‘Pag nandito siya, everyday kami nagkikita. So, komportable na siya sa akin, naglalaro kami, umiikot kami, nagsi-swimming kami,” masayang tsika ni Derek.

Serye nina Julie Anne at David, mala-K-drama rin

Maganda ang feedback sa pagsisimula ng The Lookout, ang huling installment sa I Can See You noong nakaraang Lunes.

Natutuwa si Barbie Forteza sa mini-series na ito dahil ibang-iba raw sa mga dati niyang ginawa na hindi na pa-teeny booper. Tapos na raw kasi siya sa ganung pa-sweet at gusto naman daw niyang makagawa ng out of the box na character.

Isang linggong mapapanood ang The Lookout at ang ipapalit sa timeslot nito simula sa Lunes, April 26 ay ang bagong romance-drama na Heartful Café. Tampok dito ang bagong tambalang Julie Anne San Jose at David Licauco.

Aminado ang direktor nito na si direk Mark Sicat dela Cruz na mala-K drama ang peg nito. Pinanood daw niya ang It’s Okay To Not Be Okay at Start-Up na pareho naman kasing maganda.

Pagkatapos ng First Yaya ay ito ang mapapanood na isang light romance lang daw. “Kasi ‘di ba, malungkot na nga ang nangyayari sa paligid natin. So, ‘pag nagbukas sila ng TV sa ganung oras, may konting kasiyahan silang mararamdaman. Pang-balanse lang po sa nararamdaman po natin ‘di ba?” pahayag ni direk Mark.

Nagulat nga raw sila nang nagsimula silang mag-taping na meron palang chemistry sina Julie Anne at David.

Kaya naman nang napanood ito ng bosses, na-impress sila sa kabuuan ng seryeng ito. Kaya nag-decide silang sa halip na sa GTV ito ipalalabas, mas mabuting sa GMA 7 na mapapanood.

Samantala, pinaghahandaan na ngayon ang pag-resume ng lock in taping ng First Yaya.

Lalo silang na-inspire na magtrabaho dahil talagang consistent na mataas ang rating.

Show comments