Angel, humirit na hindi lang para sa mga DDS ang bakuna
Umalma si Angel Locsin sa mga parinig na iyon daw daldal nang daldal laban sa gobyerno, siya pang unang nabakunahan. Siguro medyo tinamaan si Angel dahil naging vocal siya sa kanyang mga kritisismo lately, at ipinagmamalaki nga niyang ang mga magulang niyang “anti-vaxxer” o ayaw pabakuna, ay nabakunahan na rin sa Taguig City.
Kasabay halos noon, may lumabas pang nabakunahan na rin sina Ogie Alcasid at Regine Velasquez na kumokontra rin sa gobyerno Si Ogie ay kilalang opisyal ng nakaraang Aquino government.
Mabilis na sumagot si Angel na ang bakuna naman ay “para sa lahat at hindi lang para sa DDS.”
Hindi rin namin maintindihan kung bakit nga ba ang lahat ay nilalagyan ng pulitika. Ganundin ang nangyari sa community pantry na nagsimula sa Quezon City, na ang layunin lang naman ay makatulong sa mga higit na nangangailangan. Naging matagumpay iyon at maraming nagugutom ang natulungan, pero iyon nga, pinuntahan sila ng mga pulis dahil na-red tag pa sila sa kabila ng layunin lamang na tumulong. Kaya nga ang nagsimula noon at ang volunteers ay itinigil na ang pagbibigay ng tulong at humingi ng tulong kay Mayor Joy Belmonte para naman mabigyan siya ng proteksiyon.
Kung iisipin mo, ang ganung proyekto ay nagbigay ng inspirasyon sa marami para makatulong, at gumaya sa nangyaring iyon sa Quezon City, ngayon ay natakot na dahil baka mapagbintangan din sila.
Halimbawa si Angel, nakalimutan na ba natin na noong kasagsagan ng COVID, isa siya sa nagsikap na makapagtayo ng air conditioned tents para sa mga tinamaan ng sakit at maging ng frontliners, at tumigil lamang noong ma-red tag din siya.
Pero sa ngayon, wala talaga tayong magagawa. Gusto mo mang tumulong, basta na-red tag ka, kailangan tumigil ka dahil maaari kang kasuhan sa ilalim ng umiiral na anti-terror law kung mapagbibintangan ka ngang subersibo.
Nakakalungkot lang ang nangyayari sa ating bayan.
Julie Anne, hindi kailangan ng love team?
Bakit nga ba hindi na lang i-build up bilang solo star si Julie Anne San Jose? Bakit pilit siyang ginagawan ng love team. Noong nasa GMA pa si Elmo Magalona at akala nila ay sisikat nang husto, ini-love team nila kay Julie Anne kahit na alam ng mga tao na noon ay nililigawan si Janine Gutierrez.
Na-link din siya kay Alden Richards, kay Benjamin Alves, at nang mapunta rin sa GMA si Rayver Cruz, na syota pa rin ni Janine, itinambal na naman siyang pilit kay Julie Anne.
Hindi nakalusot dahil alam ng mga tao na magsyota nga sina Rayver at Janine talaga, ngayon itinambal naman siya kay David Licauco.
Bakit kaya hindi nila subukan na i-build up siya nang walang love team, dahil kung sisikat siya talaga, sisikat iyan at hindi kailangan ang mas malakas na leading man. Aywan kung ano ang plano nila at pilit nilang binibigyan siya ng love team kahit na pilit na pilit. Ang mga tao sanay na diyan eh. Alam nila kung ang isang love team ay “forced to good” lamang.
Singer si Julie Ann, pabayaan nilang patunayan niyang siya ay isang magaling na singer at makukuha niya ang suporta ng masa.
Career ni Derrick hinihintay kung matutulungan ng brief pictorial
Hanggang ngayon, ang pinag-uusapan pa rin ay ang male stars na endorser ng brief. Ang dami kasi nilang sabay-sabay na lumabas. Unang lumabas si Marco Gumabao, pero hindi maikakaila na natabunan siya ng picture ni Derrick Monasterio.
Kasunod noon, naglabas na rin ng pictures si Paul Salas. Kumalat din uli ang pictures ni David Licauco na naka-brief. Pinakamatindi ang pictures ni Markki Stroem na wala nang briefs. Pero kung pakikinggan mo ang mga usapan, panalo pa rin si Derrick.
Ang tanong, papaano naman kaya magagamit ngayon ni Derrick Monasterio ang kanyang naging popularidad dahil sa pagsusuot ng briefs para umusad na ang kanyang career? Matagal na rin namang artista si Derrick, lumabas na siya sa TV, nagkaroon na rin ng pelikula, pero mabagal talaga ang takbo ng kanyang career.
- Latest