Paulo, nakaligtas sa depresyon dahil sa serye

Paulo
STAR/ File

Noong Biyernes ay nagtapos na ang teleseryeng Walang Hanggang Paalam kung saan isa sa mga bida si Paulo Avelino. Malaki ang pasasalamat ng aktor dahil nakapagtrabaho pa rin sa gitna ng pandemyang kinakaharap ng bansa. “Mas thankful ako. Ang daming gustong magtrabaho dahil nga may pandemic. Ang daming nawawalan ng trabaho kaliwa’t kanan. So parang lahat dinadaan mo na lang sa dasal na parang, ‘Diyos ko, magkakatrabaho pa ba ako? Pahingi pong work.’ Pero no’ng binigay naman sa ‘yo nando’n din ‘yung takot kasi nga may pandemya, may covid, may sakit na hindi natin nakikita. So parang tatanggapin ko ba kasi nakakatakot siya at the same time. Thankful ka pero takot ka at the same time. Pero mas naging thankful ako kasi hindi ko naramdaman ‘yon,” paliwanag ni Paulo.

Malaki umano ang naitulong ng naturang serye upang makaiwas ang aktor sa depresyon ilang buwan na ang nakalilipas. “Masaya sa set at wala rin kaming choice kundi harapin ‘yung isa’t isa araw-araw. Kahit sa mga break namin minsan kami-kami rin nagkikita ‘pag kumakain or anything. Thankful din ako kay Mona (Arci Muñoz) kasi nagluluto siya ng vegetarian food for everyone lagi. Very thankful ako sa cast kasi mahirap din pati crew na araw-araw na ginagawa mo, may times talaga na naho-homesick ka.

“Yung pakiramdam namin na malayo sa pamilya, na nagtatrabaho kung saan may pandemya, ang daming nangyayari. Not to exclude us from the other workers but I’m really thankful this cast sila rin ‘yung dahilan kung bakit napanatili ko ‘yung saneness ko. Dahil kung hindi dahil sa kanila siguro, maliban sa baliw na talaga ako, siguro na-depress ulit ako,” kwento ng aktor.

Diego, ramdam ang alagang nanay ni Barbie

Naihalintulad ni Diego Loyzaga sa isang ina ang ginagawang pag-aalaga sa kanya ng kasintahang si Barbie Imperial. Ilang buwan pa lang magkarelasyon ang dalawa sa ngayon. “Si Barbie can be the most maternal person in the sense na para siyang nanay kung mag-alaga. But at the same time, para rin siyang baby. ‘Yon naman ‘yung gustung-gusto ko kasi baby ko siya. Gusto ko rin naman na ako ‘yung nag-aalaga. I like how she can bring out the best in me and take care of me at the same time. Kapag siya naman, kapag kailangan niya ng alaga, hinihingi naman niya sa akin. And for me, big deal ‘yon,” pagbabahagi ni Diego.

Sa susunod na buwan ay ipagdiriwang ng aktor ang kanyang ika-26 na kaarawan. Ang tanging hiling ni Diego ay manumbalik na sa normal ang lahat ng kaganapan sa kasalukuyan. “Sana matapos na itong covid. Ang dami nang nahihirapan, ang daming gustong makasama ‘yung pamilya nila, mga kaibigan. Ang hirap, hindi nga tayo makapag-shooting. Hindi tayo makakilos. Gusto natin magtrabaho. The whole world is affected and sana mabawasan na ‘yung hirap ng mundo,” giit ng binata.

Show comments