Sa dasal kumapit ang mag-asawang Anthony at Rossel Taberna sa rami ng mga pinagdaanan nila noong nakaraang taon.
Malaki ang pasasalamat nila ngayon na unti-unti na silang nakakaahon, lalo na’t gumagaling na ang anak nilang si Zoey.
Bahagi ng pag-move on sa isang pagsubok na dumating sa kanila ay itong pagsasampa nila ng kaso laban sa taong nanloko sa kanila sa pera na pinagkatiwalaan nila nang husto.
Pormal na nagsampa na si Ka Tunying ng kasong 175 counts of Qualified Theft laban sa dating Finance Head ng Taberna Foods, Inc. na si Ernie Patrick Aquino at ang Branch Manager ng EastWest Bank UP Village Branch na si Gualberto Baluyot II.
Isinampa niya ang kaso noong nakaraang Miyerkules ng umaga sa Prosecutor’s Office ng Quezon City. May kinalaman ang kaso sa pagsasabwatan at pagnanakaw ng dalawa sa higit P15M na pondo ng Taberna Foods Inc.
Binanggit ni Ka Tunying sa interview sa kanya ng DZRH na inamin na raw ni Aquino ang kasalanan niya at humingi na ito ng tawad sa kanya. Pero sabi nga ng broadcaster, madali lang daw ang magpatawad pero hindi raw madaling ayusin ang mga naperwisyo nito.
Sabi pa ni Ka Tunying; “Wala namang masamang magtiwala. Subalit, pag abusuhin mo ‘yung tiwalang binigay sa ‘yo, mukhang ‘yun ang masama. Sa tanong kung nagsisisi ba ako, kahit sa malaking pinsala na inabot ngayon baka nga natuto tuloy ako dun. Na ang naging lesson ko dun ay huwag kang magbibigay ng buong-buong tiwala sa isang tao, kahit gaano mo siya katagal na kilala basta ang ‘pag pag-uusapan ay pera.”
Nagpasalamat ang mag-asawa na sa tindi ng mga pinagdaanan nila noong nakaraang taon, marami pa rin ang sumusuporta sa kanila at nagtitiwala.
Noong nakaraang buwan nga ay inilunsad si Ka Tunying bilang brand ambassador ng PA Properties, ang real estate na nagsisimula na ng projects sa iba’t-ibang bahagi ng Luzon kagaya ng Laguna, Batangas, Cavite, Pampanga at Metro Manila.
Kaya nga comment ni Rossel sa isang post ng kanyang asawa; “Salamat sa Ama (praying emoji) Dininig Niya ang ating panata at paghahanap ng hustisya (praying emoji).”
Vice takot pa ring mag-live!
Pagkatapos ng halos dalawang buwang hindi na napapanood si Kitkat sa Happy Time, umapir na ito sa pagbabalik-live ng It’s Showtime noong nakaraang Huwebes ng tanghali. Nag-guest doon ang comedienne/TV host para maglaro sa isang segment nilang Tagokanta Champion.
Napanalunan nga iyon ni Kitkat, dahil nahulaan niya kung sino ang nakatagong singer na si Lou Bonnevie.
Sabi ni Kitkat nang in-interview siya ni Jerry Olea para sa aming PEP Troika, mainit daw ang pagtanggap sa kanya ng mga taga-It’s Showtime lalo na ang hosts at si Vice Ganda na mentor daw niya noon pa sa Punchline at Laffline. “Feel ko ‘yung concern ng lahat at pag-welcome sa pagtapak ko ulit sa Showtime,” pahayag ni Kitkat.
Inaasahan na rin naman daw niyang biruin siya at paglaruan ni Vice Ganda dahil close naman silang dalawa. “’Di po ako nagulat na biniro ako about kay J, kasi lahat naman, alam ang nangyari. ’Yung mga hindi alam ang istorya pero mga marunong mag-isip, alam na agad na very wrong pumatol ang lalaki at mas matanda sa bata at babae heheh. Saka siyempre, dahil mama ko si Vice, pareho kami ng utak nu’n. Alam ko na bibiruin ako about dun. Kaya nga natawa lahat, ang sagot ko, kinabahan ako, baka batuhin ako ng mic wahahahaha!” dagdag na tsika ni Kitkat kay Jerry.
Nakatsikahan ko nga si Anjo (Yllana) kahapon, nasa taping daw sila ng Happy Time noong nasa Showtime si Kitkat at napapag-usapan daw nila ‘yung guesting ng dating co-host. Ayaw niya akong sagutin nang tanungin ko kung totoong inaayos ba ang pagbabalik ni Janno Gibbs sa Happy Time.
Wala pa raw ganung desisyon dahil pumanaw ang boss nila sa Eagle Broadcasting, Inc. Basta tuluy-tuloy lang daw sila ng taping para sa Happy Time.
Samantala, sobrang ingat daw ngayon sa set ng It’s Showtime. Doble-doble pa ngayon ang agwat nila, at naka-Zoom na lang nga mga hurado ng Tawag ng Tanghalan. Nagbawas pa raw sila ng staff dahil sobrang limitado na raw ang mga tao sa loob ng studio.
Kaya parang nabuburyong na raw si Vice Ganda sa hirap ng live show ng It’s Showtime.
Sinabi naman niyang natatakot din siya sa pagbabalik live nila. Pero kailangan nilang gawin, alang-alang sa suporta ng avid followers ng It’s Showtime.