ABS-CBN gagawin ang pinoy adaptation ng BBC series na Doctor Foster, aktres na bibida pinagpipilian

Doctor Foster
STAR/ File

Wow, magkakaroon na ng Pinoy adaptation ang sikat na Bri­tish drama series na Doctor Foster matapos makipagkasundo ng ABS-CBN Entertainment sa BBC Studios na gumawa ng local version para sa Pinoy viewers.

Una nang ipinalabas ng ABS-CBN ang South Korean adaptation nitong  The World of the Married sa Kapamilya Channel noong Hunyo 2020 kasunod ng pagkilalang nakuha nito bilang highest-rating South Korean cable TV drama sa kasaysayan.

Ang Pinoy remake ng Doctor Foster ang una para sa isang scripted British series pagkatapos pumatok sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang kakaibang kwento nito ng pagtataksil at paghihiganti.

Tampok sa serye ang kuwento ng isang babaeng biniyayaan ng isang masaya at kumpletong pamilya, na dahan-dahang mawawasak sa oras na makutuban niyang nanloloko ang kanyang asawa hanggang sa makumpirma niya ito.

Ang Pilipinas ang ikaanim na bansang gagawa ng sarili nitong bersyon pagkatapos ng South Korea, India (Out of Love), Russia Tell Me the Truth, Turkey (Sadakatsiz), at France (Infidéle). Ang original British series naman ay isinulat ni Mike Bartlett para sa BBC One sa produksyon ng Drama Republic.

Malapit na umanong ianunsyo ng ABS-CBN Entertainment ang local title ng Doctor Foster,  pati na ang aktres na bibida at ang cast na magbibigay-buhay sa Pinoy remake nito.

Sino kaya?

Show comments