Hanggang ngayon ay hindi pa rin nabubura sa isip ng mga kilalang radio-TV anchors ang lantarang ginawa sa kanila ng isang male personality.
Kunsabagay, nu’n pa naman ay kilalang-kilala na siya sa kayabangan kahit wala pa naman siyang napatutunayan at maipagmamalaki, mas lutang ang kanyang kasupladuhan kesa sa kanyang talento.
Kuwento ng aming source, “Hindi totoong wala siyang alam tungkol sa interview niya sa show nu’ng magka-partner na anchors. Alam niya ‘yun!
“The day before pa, e, binigyan na siya ng info ng coordinator ng show. Alam niya na sina ____ at ____ (isang batikang radio anchor) ang kakausap sa kanya.
“Ewan, para lang siguro palutangin ang kayabangan niya, nu’ng nasa ere na siya, e, nagtanong pa siya, sino na raw ba ang kausap niya? Hindi raw kasi niya kilala?
“Hindi ba naman kabastusan ‘yun? E. magkakasama pa nga sila dati sa isang network, madalas silang nagkikita-kita du’n, tapos, e, hindi raw niya kilala ang mga hosts ng show?” unang naiinis na kuwento ng aming impormante.
Sa sobrang inis ng male radio-TV anchor ay hindi na ito sumalang sa interview, ang babae na lang ang kumausap sa hambog na male personality, pero nakakaloka ang nangyari.
Patuloy na kuwento ng aming source, “Binabara-bara niya ‘yung female host, talagang binabara niya! Ang dami-daming nag-text sa station na tapusin na raw ang interview dahil napakayabang ng guest!
“Puro nega ang text tungkol sa kanya, lalo na kapag binabara-bara niya ang female host! Finally, tinapos na ang interview sa kanya, nag-promote na lang siya ng bagong show niya,” may inis pa ring kuwento ng aming source.
Masama ang loob ng female anchor sa mayabang na male personality, pero mas matindi ang pagkainis ng pamosong male anchor, sino nga naman ang lalaking personalidad na ‘yun para maliitin sila?
Komento uli ng source, “Ano na ba ang napatunayan ng mokong na ‘yun, meron na ba? Hindi ba’t nakahawak lang naman siya sa palda ng sikat na female personality na girlfriend kuno niya?
“Napakayabang niya, e, ano na ba ang maipagmamalaki niya? Kaya maraming production people ang nabubuwisit sa mokong na ‘yun, e! Hindi siya magaling umarte, maarte lang siya!
“Naku, lagyan na nga lang natin ng X ang pangalan ng hambog na male personality na ‘yun! Bilangin na lang natin kung gaano kabilis ang heartbeat niya!” naiinis pa ring pagtatapos ng aming source. Ubos!
Serye ni Maja, mapuso
Unti-unti nang niyayakap ng ating mga kababayan ang seryeng Nina Nino na pinagbibidahan ni Maja Salvador at ng baguhang aktor na si Noel Comia, Jr..
May bala ang tirador ng produksiyon, ang Cignal Entertainment, TV5 at ng CS Studios kakambal ang Spring Films nina Piolo Pascual at Direk Joyce Bernal at Erickson Raymundo ng Corner Stone.
Mapuso ang serye, hindi matatawaran ang pagganap ni Maja, idagdag pa ang galing sa pagganap ng beteranang aktres na si Ruby Ruiz. Napakalaki ng inilusog ng katawan ng dating child star na si Lilet Jodloman-Esteban pero nagsasalita pa rin ang kagandahan nito.
Dahil sa kahirapan ay magnanakaw ang ginagampanang papel nina Nina at Nino, nagtitinda rin sila ng mga kandilang may iba’t ibang kulay, hanggang sa uminit na ang kanilang pangalan sa mga barangay.
Sa episode bukas ng Nina Nino ay mukhang papasok na sa eksena ang magaling na komedyanteng si Empoy. Mas magiging interesante na ang kuwento, papasok na ang mga magaganap na himala, kaabang-abang ang seryeng ito.
Pagkatapos ng Frontline Pilipinas ay kasunod na agad ang Sing Galing na kahanga-hanga ang produksiyon, mahuhusay ang kanilang mga kalahok, mayaman ang utak ng mga bumubuo ng segments ng palabas na ito.
Kasunod na ang Nina Nino, FPJ’s Ang Probinsyano (lumilipat kami sa First Yaya sa oras ng seryeng bumibida si Coco Martin), Huwag Kang Mangamba at ang matatapos nang serye sa Biyernes na Walang Hanggang Paalam.
Marami kaming magkakaibigang malulungkot sa pagwawakas ng WHP, sinubaybayan namin ang serye mula nang mag-umpisa, panalung-panalo ang pagganap ni Paolo Avelino kasama sina Angelica Panganiban, Zanjoe Marudo, Arci Munoz, Cherry Pie Picache, Tonton Gutierrez at marami pang ibang artistang mahuhusay talaga.
Huwag sanang magpahinga sa pag-arte si Paolo, may kapalit sana agad na seryeng pagbibidahan niya ang Walang Hanggang Paalam, at makasama sana niya sa palabas ang mahusay na aktor na si JC Santos at ang beteranong aktor na si Ronnie Lazaro.
Sa anunsiyo ng TV5 ay ang serye nina Gerald Anderson at Yam Concepcion ang papalit, ang Init Sa Magdamag, tingnan natin kung anong grado ang ibibigay ng publiko sa kanilang palabas.