Edgar Allan, ayaw umeksena sa career ni Shaira
Inurirat ng press ang pag-dedicate ni Edgar Allan Guzman ng kanyang best supporting actor win (for Coming Home) sa girlfriend na si Shaira Diaz sa katatapos na 4th EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) nu’ng Linggo ng gabi.
Kaya naman isa ito sa mga itinanong sa kanya sa Zoom interview para sa upcoming Kapuso shows niyang Heartful Cafe (sa GTV) at Agimat ng Agila (sa Kapuso network).
Before kasi, no mention, as in hindi niya binabanggit ang actress-GF sa kahit anong okasyon o interview. Kaya marami ang nagtaka kung bakit, biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Lantaran na ngayon.
Maluwag na niyang nasasabi ang pangalan ni Shaira. “Ang sarap sa pakiramdam na i-dedicate sa kanya ang award this time na walang pag-aalinlangan, na wala akong iisipin na ilagan or something. So ako naman, totoo naman ’yon, eh, lahat naman ng ginagawa ko kasama siya, eh. Isa siya sa mga inspirasyon ko, kasi napakabuting tao niya sa akin,” diin ni EA.
Mas type rin daw nilang ihiwalay ang professional sa kanilang love life. “Sa kanya naman, sa career niya with Ruru (Madrid) ’yung loveteam nila, naka-support ako sa kanila. Pinanood ko ’yung I Can See You nila ni Ruru, so pati ako, kinilig,” sabi pa ng aktor sa virtual chikahan nung isang araw.
“Sa amin naman when it comes to pansarili naming lovelife, sa trabaho inilalayo po namin. For example ako, binanggit ko siya as dine-dedicate ko ’yung award, hanggang doon lang. Kumbaga, para sa akin, kasama pa rin siya, at least naparamdam ko na kasama siya doon sa achievement ko sa buhay,” dagdag pa niya.
Hindi rin sila nagpo-post sa social media ng private affairs nila unless may okasyon o kinakailangan talaga.
Rason ni EA, ganu’n niya nirerespeto ang trabaho ni Shaira. Ayaw niyang makasira o maging dahilan ng pagtamlay ng career ng GF. Bukod pa sa matibay / matatag na ang relasyon nila kaya wala nang seloasan factor.
So pinag-uusapan na ba nila ang kasal?
“Nandu’n ’yung napag-uusapan pero wala pa kaming plans na i-take to the next level. Ako, susuportahan ko lang siya. Ang daming plano, kumbaga, meron siyang bright future sa GMA. So para sa akin, ayoko munang maging hadlang doon sa pangarap niya. So gusto ko munang suportahan siya all out at ipakita sa kanya na ’andito lang ako, maghihintay ako anytime when she’s ready na, okay na, walang problema.
“At the same time, sa side ko, yeah, hindi na po ako bumabata. Still, nag-i-enjoy pa rin ako kung anuman ’yung nangyayari sa career ko. Right now, blessed ako, kakapanalo ko lang po ng isang award ulit. So para sa akin, itutuloy ko muna ito habang mainit pa, habang ’andiyan pa ’yung mga trabaho. Darating naman po d’yan kung talagang panahon na para pumunta du’n sa next level, eh, walang makakapigil talaga,” paliwanag ni EA.
Basking pa in his best supporting actor victory ang aktor dahil talagang unexpected daw ang pananalo niya sa EDDYS.
Dalawa sa kanyang mga co-nominee sina Ricky Davao at Zanjoe Marudo at feeling ni EA, ang mapasama lang sa mga ito ay enough honor na para sa kanya.
Bukod kay Shaira, ang pamilya ng aktor, lalung-lalo na raw ang mommy niya, ang sobrang tuwang-tuwa sa pagkapanalo niya. Maging ang social media accounts ni EA, pumutok sa sobrang dami ng mga pagbati sa kanya.
Sa ngayon, bukod sa Agimat ng Agila at Heartful Cafe, wish ni EA na makagawa ng isang pelikula kung saan gagampanan niya ang papel ng isang epileptic o may sakit.
Family drama ang tema at kung may chance na mamili ng makakatrabaho, dream daw niya sina Coco Martin (bilang kapatid niya), Noni Buencamino at Sylvia Sanchez (bilang mga magulang niya) at Julia Montes (bilang asawa o partner niya).
Bet din daw niyang balikan ang pagpo-portray ng gay role na una niyang ginawa sa 2017 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Deadma Walking kung saan lumutang ang husay niya bilang aktor.
“Gusto ko pang gumawa ng gay roles, nakaka-miss din, eh. Once in a while kelangan kong gumawa ng gay roles. Tingin ko naman magagawa ko siya and mabibigyan ko ng justice ’yung pagganap ko dun sa role,” sey pa ni EA, na kasama rin bilang “pamhinta” sa upcoming movie na Ang Huling Birheng Beki ni Direk Joel Lamangan.
- Latest