Sabi ng isa naming source, may nakita raw siyang isang controversial young female star na mukhang nagsa-sideline na rin dahil wala nang assignment. Makalipas daw ang ilang minuto, nilapitan iyon ng isang bading na may kasamang mukhang isang mayamang negosyante, Maya-maya, umalis na ang businessman at ang female star, at naiwan na roon ang bading na nakita pang nagbibilang ng pera.
Nakuha na siguro ang “commission” niya.
Nakakaalarma na ang sitwasyon ngayon, hindi lang may kinalaman sa career kundi lalo na sa moralidad. Hindi lang iisa ang female star na gumagawa ng ganyan. Marami ring mga artistang lalaki na masama mang pakinggan ay bumabaling na rin sa prostitusyon. Mahigit isang taon na rin naman silang wala halos trabaho, walang
pinagkakakitaan. Sarado ang mga sine, bawal ang shows dahil wala ngang mass gathering, at hindi mo naman maaasahan na suportahan sila ng networks nila, lalo na kung sarado pa.
Janella at Markus, nilantad ang hitsura ng bashers!
Halos magmura na si Janella Salvador, at si Markus Paterson naman ay nagbantang hindi niya palalampasin ang mga nanlalait sa kanilang anak matapos na ang walang malay na bata ay mabalingan ng bashers sa social media at kung anu-anong pamimintas ang sinabi tungkol sa anak nilang si Jude.
Wala pang reaksiyon ang lola ng bata na si Jenine Desiderio, na tiyak nagagalit din sa pinagsasabi ng bashers
Totoo naman ang comment ng bashers na iyan laban doon sa bata ay uncalled for. Totoo nga siguro na iba-iba naman ang pagtingin natin sa mga tao, pero hindi ba kagandahang asal naman iyong huwag na tayong magsalita kung makakasakit tayo ng damdamin, lalo na at wala naman tayong basehan kundi opinion lang naman natin?
Bakit pagkagaganda bang tao nang mga namimintas na iyon? Iyong isa nga inilabas ni Janella ang picture ay masasabi mo ngang ang classification ay “a face only a mother could love.” Hindi ka na nga maganda, mamimintas ka pa ng iba?
Isa pa, iilang buwan pa lamang naman si Jude, hindi mo pa makikita ang talagang hitsura niya. Baka kung lumaking guwapo, na hindi naman malayo, at maging matinee idol din kikiligin din kayo.
Marami kaming nakitang ganyan, makikita mo ang pictures noong bata pa, dugyot ang dating. Pero noong lumaki na, lumabas na pogi at sumikat bilang matinee idol. Kaya nga hindi dapat husgahan ang isang bata na hindi pa naman fully developed ang hitsura, at saka hindi naman dapat pakialaman ano man ang hitsura nila.
Kaya kami nga, hindi namin masisisi sina Janella at Markus sa mga sinabi nila. Baka kung kami nga iyon mas matinding mura pa ang inabot nila sa amin.
Pero ang pinakamagandang magagawa riyan sa social media, basta bastos o hindi ninyo gusto ang pinagsasasabi, i-block ninyo agad. Hindi importante ang followers kung sasakit naman ang ulo mo. Pinakamaganda sa mga bastos, i-block hanggang sa wala na silang mapuntahan kung hindi mga kapwa bastos nila at sila na lang ang maglaitan hanggang gusto nila.
Kami nga may nae-encounter na bastos na fans, block agad. Gagawa ng ibang account para makapag-comment ulit, block ulit. Hanggang magsawa siya.
Erap, lumalaban
Medyo umayos na raw ang pneumonia ni dating president Erap. Maski iyong oxygen support niya mas maayos na rin sabi ni dating Senador Jinggoy Estrada. Mabuti naman.
Kabisado rin ng mga doctor niya ang kanyang kalagayan at nakapasok siya sa isang mahusay na ospital.
Ang pinakamahalaga, hindi naapektuhan ng kanyang sitwasyon ang dating presidente. Lumalaban siya eh. Ang talagang pumapatay sa mga may COVID, iyong anxiety, takot at pangamba dahil sa kanilang sitwasyon.
Tingnan ninyo ang kaso ni Claire dela Fuente, maayos naman ang kanyang lagay. Wala namang matinding symptoms. Nakapagtiis nga siya ng dalawang araw sa isang tent, kung kailan siya nailipat sa ospital at saka siya nagkaroon ng anxiety. Doon kasi sa tent, marami siyang nakikitang iba. Doon sa ospital, mag-isa na lang siya sa isang kuwarto. Nakadama siya ng takot, hindi na makahinga at nauwi sa atake sa puso. Iyan ang problema, walang nagpapalakas ng kanilang loob dahil wala na silang makitang kilala nila.