Nagtatanungan ang mga kababayan natin, ano raw kaya ang pinagkakaabalahan ngayon ng isang pamosong female personality na parang may nunal sa talampakan sa hilig rumampa sa labas ng kanyang bahay?
Paano raw kaya pinalilipas ng kilalang babaeng personalidad ang maghapon ngayong pandemya? Takot naman siyang lumabas ng bansa, mas matindi ang salot sa mga bansang madalas niyang bisitahin, ano raw kaya ang maghapon ngayon para sa kanya?
Kuwento ng isang source na nagkokomedya, “E, di kaharap siguro niya ang calculator para sa pagbibilang niya ng pera? Ano pa ba ang pagkakaabalahan niya ngayong hindi siya makalabas?
“Buryong na buryong na siya, nag-try siyang mag-bake, pero masawain ang girl, hindi niya makakayang gawin ang ganu’n nang mahabang panahon!” natatawang unang kuwento ng aming impormante.
Dahil hindi nga siya makalabas ngayon dahil sa pataas nang pataas na numero ng nagkakasakit ay ibang tao raw ang pinalalabas ng female personality.
Sabi naman ng isang source, “Siguradong ganu’n nga ang ginagawa niya ngayon, mga kasambahay ang inuutusan niyang mag-grocery. Tuwang-tuwa kasi ang girl kapag nakikita niyang saganang-sagana sila sa food sa house.
“Maluwag ang palad niya sa pagpapabili ng food, pinadadalhan niya ang mga friends niya, generous siya, in fairness! Mahilig siyang magpadala ng ayuda sa mga pamilyang mahal niya.
“Di nga ba, ‘yung isang female personality na mahal niya, e, puwede nang magpatayo ng grocery sa dami ng mga ipinadadala niyang pagkain? Hindi na nila kailangang lumabas, sagot na ng girl ang pagkain nila!
“’Yun nga lang, ang problema talaga ng female personality, e, ang nangangati niyang mga paa, hindi siya sanay nang ganitong nasa house lang siya!
“Kailangan niyang lumabas para naman makarampa siya sa kung saan-saang sosyaling lugar na palagi niyang pinupuntahan! Paano na ang mga branded stuff niya, paano na ang mga jewelry niya, hindi nakikita ng publiko!
“Pero ‘yan ang leksiyon ng pandemya, milyonaryo ka man, kailangan mong magtiis, walang pinaliligtas si covida! Lalo na, hindi na siya bumabata, kaya kailangan niya talagang mag-stay home, kesehodang buryong na buryong na siya!” humahalakhak pang pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Mga taong grasa, ‘di tinatablan ng COVID-19
Dala na rin siguro nang sobra-sobrang takot at pagkaburyong kaya iba na ang naglalarong ideya ngayon sa utak ng isang kaibigan namin tungkol sa pagpapabakuna.
Senior citizen na silang mag-asawa, alam nilang mas malapit na sila sa disgrasya, pero nagtatalo ang kanilang isip ngayon kung papayag ba silang magpabakuna?
Kuwento ng aming kaibigan, “Kapag may mahalaga kaming kailangang ayusin, e, lumalabas kami ng husband ko. Palagi naming nakikita sa kalye ang mga taong-grasa. Wala silang suot na face mask, lalong wala silang face shield, palakad-lakad lang sila nang hindi natatakot!
“May mga pamilya ring nakatira lang sa gilid ng kalye, and dami-dami nilang anak, pero wala rin silang pakialam sa health protocols! Kumpul-kumpol lang sila sa maliit na tent!
“Habang bumibiyahe kami, e, nag-uusap kaming mag-asawa, bakit ang mga taong-grasa, wala namang ginagawang pag-iingat, pero buhay sila?
“Nagkabiruan kaming mag-asawa, kapag wala na kaming nakikitang mga taong-grasa at mahihirap na pamilyang nakatira lang sa gilid ng kalye dahil tinamaan sila ng COVID-19, e, saka na lang siguro kami magpapabakuna!” napakadiing komento ng aming kaibigan.
Parang pilosopo ang paksa, pero oo nga naman, ano ba talaga?
May babaeng nag-aalburoto, kasal nina Ara at Dave, hindi na tuloy?!
Hala! Ano ito? Malapit na ang petsang ibinigay nina Dave Almarinez at Ara Mina para sa kanilang pagpapakasal pero bakit parang tahimik na tahimik ang bayabasan?
Wala nang mga kuwentong lumalabas, halos hindi na nga sila binibigyan ng espasyo sa mga pahayagan, ano ang ibig sabihin ng katahimikang ito?
Gusto na lang ba nilang maging sobrang pribado ang kanilang kasal? Sadya ba silang nananahimik? Totoo kaya ang kutob ng iba na may isang babaeng literal na nasagasaan sa plano nilang pag-iisang-dibdib sa Baguio na nag-aalburoto ngayon?
Pero nakakasorpresa ang isang text na tinanggap namin, sabi ng source, “Naku, e, kahit nga ang magnininang sa kasal nila, e, walang balita kung tuloy ang kasal nila sa April 28?
“Hindi raw sila nagkakausap ni Ara, kailangan niya kasing malaman kung magpapagawa pa ba siya ng gown o ano? Ano ‘yun? Mismong ninang sa kasal, walang communication sa ikakasal?
“Ni hindi alam kung ano’ng kulay ng motif nila sa wedding? Ano ‘yun? E, tigil na ang mga lock-in taping dahil sa ECQ na naman, di ba? Bakit hindi siya ma-contact ng mga magnininang sa kanila?” naguguluhang komento ng aming source.