^

PSN Showbiz

Eva Eugenio hindi pa rin tanggap ang nangyari kay Claire

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Eva Eugenio hindi pa rin tanggap ang nangyari kay Claire
Eva, Imelda at Claire
STAR/ File

Binigyan sila ng korona ng publiko bilang mga Jukebox Queen. Totoo naman kasi na nu’ng mga huling bahagi ng dekada ’70, kahit pa maraming ibang singers na lumutang, ay ang kanilang mga piyesa ang nagrereyna.

Eva Eugenio, Imelda Papin, Claire dela Fuente. Nagsasabong sa bentahan ang kanilang mga kanta pero sa totoong buhay ay magkukumare-magkakaibigan silang tatlo.

Lalo pa silang naging sanggang-dikit nang magtagal, hindi puwedeng kunin ng prodyuser para magtanghal sa ibang bansa ang isa lang sa kanila, kailangang silang tatlo ang bibida sa concert bilang mga Jukebox Queen.

Nu’ng Martes Santo, nang lumutang at kumalat na parang apoy ang pagpanaw ni Claire dela Fuente sa sakit na COVID-19, ay si Eva Eugenio agad ang naisip namin.

Nakarating na kaya sa kanya ang balita? Ano ang naging pagtanggap niya sa katotohanang patay na ang kanyang katrayanggulo bilang Jukebox Queen? Nagkausap na ba sila ni Imelda Papin?

Ilang sandali lang ay nasa kabilang linya na si Eva, hindi siya agad nakapagsalita, windang ang kanyang isip sa naganap sa kanyang kaibigan-kasamahan sa mundo ng musika.

“Shock na shock pa ako hanggang ngayon. Parang panaginip lang ito. Parang hindi totoo,” unang komento ni Eva.

Binalikan niya ang mga pagkakataong magkakasama sila nina Imelda at Claire, wala siyang maalalang pagkakataon na may inireklamo si Claire tungkol sa nararamdaman nito, wala.

Sabi ni Eva, “Madaya si Claire, hindi siya nagsabi sa amin ni Mel na may dinaramdam pala siya. Ngayon na lang namin nalaman sa mga kuwento ng anak niyang si Gigo na meron pala siyang problema sa liver, sa hypertension, walang-wala kaming alam tungkol du’n, wala talaga!

“Ang ipinakita sa amin ni Claire, e, isang babaeng matapang, very strong, walang pinoproblema sa health niya. Never siyang nagsabi sa amin na taas-baba pala ang blood pressure niya, na meron siyang iniinom na gamot sa liver, isinekreto niya ‘yun sa amin,” pag-alala ni Eva.

Magkaiba ang kanilang panuntunan sa buhay. Ayon kay Eva ay hindi siya naglilihim ng kanyang nararamdaman.

“Kapag may masakit sa akin, sinasabi ko sa anak ko, sinasabi ko kay Tikang na alalay ko, wala akong itinatago sa kanila na pinakamalapit sa akin.

“Kapag malungkot ako, umiiyak ako, ayokong kimkimin ang kalungkutan ko. Kapag masaya ako, alam ‘yun ng buong mundo,” kuwento uli ni Eva.

Ayaw niyang maniwala na COVID-19 ang dahilan ng pagpanaw ng kanyang kaibigan. Hindi raw niya ‘yun matanggap, kinokontra niya ang balita, inililigaw niya ang kanyang utak sa totoong naganap.

Pero alam ni Eva na napakalaking pinroblema ni Claire nitong mga huling buwan ang pagkakasangkot ng anak nitong si Gigo sa Christine Dacera case.

“Nanay siya, nanay na nagmamahal sa anak niya. Intindido natin ‘yun. Walang nanay na magdidiin pa sa anak niya para makulong. Walang ganu’n. na-stress siya nang todo, sumasama siya sa mga interview ni Gigo, hindi simple ‘yun.

“Nag-pandemic pa. Ang mga negosyo niya ang napuruhan. Ang mga bus niya, ang mga restaurant niya, hindi rin simpleng scenario ang nangyari sa kanya.

“Nakakalungkot talaga na nangyari ito sa isang taong hinahangaan ko ang katapangan. Walang inuurungan si Claire! Kapag nasa tama siya, wala siyang pakialam kung ano ang sasabihin ng kahit sino tungkol sa kanya,” pag-aalala pa rin ni Eva.

Pingas na ang tatluhan nilang samahan. Wala na ang isang Jukebox Queen. Silang dalawa na lang ni Imelda Papin ang natitira.

Ito ang panahon na puro pagbabalik-tanaw ang umookupa sa isip ni Eva. ‘Yung kanilang mga halakhakan sa likod ng entablado lalo na kapag meron silang nagagawang palso pero hindi napansin ng audience.

“Pinagtatawanan namin ang ganu’n, hindi kami nagsisisihan, kapag naiisip ko ‘yun, basta naluluha na lang ako. Ibang-iba kasi kapag matagal mong nakasama ang isang nawala.

“Halos limang dekada kaming magkakasama, may mga biyahe kami na sakay-baba lang kami ng eroplano para sa paghahanapbuhay, hindi mada­ling kalimutan ‘yun.

“Ipinagdarasal ko si Claire. Na kung meron man kaming hindi pinagkasunduan nu’n dahil sa pressure ng trabaho namin, patawarin niya ako.

“Pero masakit, may iniwanang sakit sa puso ko ang pagkawala niya. Sa­yang. Maaga siyang nagpaalam,” sinserong pahayag ni Eva Eugenio.

vuukle comment

JUKEBOX QUEEN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with