Take it… hinahanap-hanap ng mga nasa abroad!
Napagod kami sa pagsagot kahapon sa mga tanong ng mga tagasuporta ng Take It, Per Minute… Me Gano’n kung bakit wala pa rin kaming programa nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu.
Ang mga tanong ay hindi lang galing dito sa atin, maging ang mga sumusubaybay sa TIPMMG sa iba-ibang bansa ay nag-text din sa amin, sa ganitong panahon natin mararamdaman ang napakasarap na suporta at pagmamahal ng ating mga kababayan saan man sila nandu’n.
Siyempre’y malungkot ang ganito para sa aming tatlo, bago kasi magsimula ang digital show ay nagpipista muna kami sa pagkukuwentuhan, kasama ang aming tagapamahala na si Salve Asis.
At ang nakasanayan na ay lagi nating hinahanap. Ang mga halakhakan, ang sama-sama naming panananghalian, ang mga pagpapalitan ng kuwento tungkol sa mga artista na hindi naman namin puwedeng sabihin sa himpapawid.
Nakaka-miss ang ganu’n, hahanap-hanapin mo talaga, pati ang masarap na pagmamahal ng aming mga tagasuporta na kani-kanyang padala ng mga pagkain at iba-ibang produkto.
Sumusunod lang po kami sa mga alituntunin ng DOH, ibayong pag-iingat ang ginagawa ng PhilStar Media Group para sa kaligtasan namin nina Manay Lolit at Mr. Fu, lalo na ngayong nakapailalim na naman ang NCR at iba pang mga probinsiya sa ECQ.
Maaaring sa susunod na Martes, kapag maayos na ang sitwasyon, ay magkikita-kita na tayong muli. Nalulungkot na nga sina Japs Gersin, Tina Roa, ang magpinsang Paul John at Richie Villarta, dahil nasanay na silang nasa Mga Obra Ni Nanay ang grupo ng TIPMMG tuwing Martes nang tanghali.
Grand finale ng Paano… limang oras
Sa darating na Sabado de Glorya, April 3, ay pinaghahandaan na namin ang limang oras na pagpapalabas ng grand finale ng sinusubaybayan naming serye ng Cignal TV at The IdeaFirst Company na Paano Ang Pangako?.
Nakahanda na ang aming mani at popcorn para tunghayan ang seryeng nagsimula sa titulong Paano Ang Pasko? Kung bibigyan kami ng pagsusulit ay siguradong mauuna kami sa sasabitan ng medalya dahil kabisadung-kabisado namin ang ikot ng istorya ng serye.
Pampamilya ang seryeng ito. Ang pagpapahalaga sa pagmamahalan ng buong pamilya ang pinakakarne ng palabas. Na anumang paghamon ang umatake sa isang pamilya ay walang imposible dahil matibay ang kanilang pananampalataya at pagpapahalaga sa bawat isa.
Muli naming napanood si Maricel Laxa bilang ilaw ng tahanan ng mga Aguinaldo. Mapagmahal at mapagmalasakit na ina, mapang-unawa sa lahat ng sitwasyon, mahinahong ina na naglalabas din ng pangil kapag nilalapastangan na ang kanyang pamilya.
At wala kang itatapon sa cast ng Paano Ang Pangako? na magkakasamang pinamahalaan nina Direk Jun Lana, Direk Ricky Davao at Direk Eric Quizon. Si Direk Perci Intalan ang tagapamahala ng buong produksiyon.
Sa seryeng ito rin namin natuklasan ang mahusay na pagganap ng baguhang si Elijah Canlas, isang batang-entablado, na ginawaran din ng URIAN ng Best Actor award para sa pelikulang Kalel, 15.
Maraming bituin na pinakinang ang seryeng ito kina Beauty Gonzales, Julia Clarete, Devon Seron, John Lapuz, Ejay Falcon, Ahron Villena, Miles Ocampo, Karel Marquez at marami pang iba.
Lumutang naman ang pagiging demonyita ni Bing Loyzaga, isang pagganap na napakaepektibo, dahil maraming kababayan natin ang gustong sumunog sa karakter ng aktres.
Sa kabuuan ay napakaganda ng seryeng ito, sa mga panahong nakakalimutan na natin ang pagpapahalaga sa ating pamilya dahil sa pagiging sobrang abala, ang Paano Ang Pangako? ay isang mabisang tagapagpaalala.
Gusto naming pasalamatan at saluduhan ang lahat ng bumubuo ng seryeng ito. Mula sa kanilang mga artista, sa staff at sa crew na buwis-buhay sa ginagawa nilang lock-in taping, sa tambalan nina Direk Jun Lana at Direk Perci Intalan at ang Cignal OnePH sa paghahandog ng makabuluhang programa sa ating mga kababayan.
Hindi sa lahat ng panahon ay nagkakaroon ng palabas na hindi nagsasayang ng ating oras at pambayad sa kuryente. Bibihira lang ang mga seryeng karapat-dapat tunghayan.
Kaya sa darating na Sabado de Glorya, mula alas-dos nang hapon hanggang alas-siyete nang gabi, ay nakahanda na kaming tunghayan ang grand finale ng Paano Ang Pangako? na kinumpleto namin ang pagsubaybay mula nang unang gabing ipinanganak ang serye.
Maraming salamat sa magagandang aral, sa mga pangyayaring nagmumulat sa aming mga mata kung gaano kahalaga ang pundasyon ng isang pamilya, maraming salamat sa mga panahong hindi nasayang sa pagsunod sa inyong istorya.
Palakpakan!
- Latest