Vilma suportado ng ibang LGU sa national artist nomination
Kung kailan naglabasan na ang hindi opisyal na listahan ng mga sinasabing nominees para sa national artists na karaniwan ngang hindi naman inilalabas in advance para huwag ma-preempt ang gagawing proklamasyon ng presidente ng Pilipinas, at saka naman nagsusunuran din sa paglalabas ng kanilang endorsements ang ilang LGU para kay Congresswoman Vilma Santos. Iyan ay dahil sa katotohanang kahit siya ay isang congresswoman sa ngayon, hindi maikakailang siyam na taon siyang mayor ng Lipa, at siyam na taon ding governor ng Batangas kaya ang tingin ng mga LGU isa pa rin siya sa kanila.
Nagsimulang mag-endorso ang Lunsod ng Maynila sa pamamagitan ng isang resolusyon ng konseho, na hindi lamang isang endorsement kundi deklarasyon na para sa kanilang lungsod na si Ate Vi ay isang artista ng bayan, at nakapagbibigay ng inspirasyon sa mga Batang Maynila, dahil siya ay Manilena at isinilang sa Maynila. Hindi lang sabi-sabi, ang parangal ay ipinrisinta ni Yorme Isko kay Ate Vi, kasabay ng kanyang ulat sa bayan.
Tapos narinig na lang namin, may resolusyon din naman pala ang lalawigan ng Batangas kay Ate Vi, na siguro nga natural na sa kanila dahil naglingkod siya roon ng labingwalong taon, at itinuturing ang sarili na isang Batanguena, kahit na ang totoo ang pamilya nila ay taga-Nueva Ecija.
Tapos may nakita rin kaming resolusyon ng LGU ng Olongapo na nag-eendorso rin naman kay Ate Vi.
Ano ang kinalaman ng mga pulitiko sa endorsements na iyan samantalang hindi naman iyan pulitika, at dapat diyan ay mga artist? Ganyan ang tanong ng mga kritiko, na alam naman natin kung bakit. Hindi natin maikakaila dahil sa gagawa ng proklamasyon ay ang presidente ng Pilipinas, kaya iyan ay isa ring political decision, at ang ginagamit diyan ay pera ng bayan, kaya may say din ang ibang namumuno.
Hindi rin natin maikakaila na baka may bahid rin ng pulitika ang deklarasyon niyan, kaya nga nagsabi ang korte suprema na hindi makakapagdagdag ang presidente sa listahan ng CCP at NCCA, pero maaari siyang mag-reject kung may mga personalidad na sa tingin niya ay hindi karapat-dapat sa ganoong parangal sa kanyang panahon. Huwag na tayong magbanggit pa ng posibleng dahilan ng rejection.
Nagkaroon naman ng panahon na ang mga national artists ang nag-reject ng desisyon ng noon ay Presidente Gloria Macapagal Arroyo, dahil lamang sa isang artist, na hindi tuloy naideklara ang tatlong iba pang idinagdag ng presidente. Ang tatlo, kabilang ang nominee ngayong si Pitoy Moreno. Sumama na ang loob ni Pitoy, na may sakit na noon dahil nasabihan na siyang idineklara siyang national artist pero binawi, at kung kailan patay na siya at saka igagawad sa kanya.’
Angel at Anne, mas priority ang pagtulong
Anim na milyong piso ang nalikom nina Angel Locsin, Anne Curtis at iba pang mga artistang nakipagtulungan sa kanila sa isang auction-fund campaign para sa mga COVID victims. Ibibigay nila ‘yun sa limang local government units sa palagay nila ay kumikilos talaga para sa mga biktima ng pandemya. Ang tulong ay hahatiin nila sa Quezon City, Taguig, Pasig, Baguio at ang Lunsod ng Maynila.
Ang isang bahagi ay ibibigay nila sa Philippine Red Cross, na nangunguna ngayon sa testing at pagtulong sa mga biktima ng covid.
Sabi nga, gusto nilang ibigay ang kanilang donasyon doon sa mapagtitiwalaan nilang iyon ay gagamitin para sa bayan, at karapatan nila iyon.
May magandang ginagawa rin naman ang mga artista. Hindi sila nagwawaldas lamang ng salapi sa mga milyong pisong halaga ng bag, o daang libong piso para sa collar lang ng aso.
Aktor at si Doc, regular suki sa hotel
Noong isang gabi, nakita na naman naming magkasama ulit ang actor na nabanggit na namin noon at si Doc. Mukhang pareho pa rin naman ang arrangement, nagkita sila sa lobby coffee shop ng isang five star hotel, at nang matapos mag-kape ay magkasama nang nawala. May
room daw kasi si Doc sa hotel na iyon talaga.
Maliwanag namang ginagawa iyan ng actor para sa kanyang pamilya, lalo na nga sa panahong ito na wala siyang kita. Ayaw naman siguro niyang masabi na umaasa siya sa savings ng misis niya, at kung sakali papaano naman ang magulang niya at ibang kapatid na umaasa rin sa kanya?
- Latest