Mga umaasa sa ‘pagpag’ na pagkain, nakakaranas ng kagutuman!

Samahan ngayong Linggo (March 21) si Atom Araullo sa The Atom Araullo Specials sa kanyang pagsilip sa gutom sa Pilipinas sa gitna ng pandemya.

Mahigit isang taon na ang nakalilipas mula nang pilayin ng coronavirus disease ang mundo. Hindi lang ito kumitil ng buhay, pinatay rin nito ang kabuhayan ng marami.

Sa kabila ng pagdami ng COVID-19 ca­ses sa bansa na kahapon ay 7,999 ang new cases, patuloy na lumalaban ang pamilyang Pilipino para makaraos sa bawat araw.

At dulot din nang pagtaas ng mga bilihin, ang dating nakakaraos noon, kasama na rin sa nakararanas ng gutom ngayon.

Makikilala ni Atom ang mga kababayan natin sa lungsod tulad ng sa Aroma, Tondo na matagal nang umaasa sa pagkain ng “pagpag”. Matapos magsara ang ilang restaurant at junkshop dahil sa lockdown, naging pahirapan ang paghahanap ng mga tirang pagkain sa basura. Sa Caloocan naman, ang isdang gurami mula sa kanal o sapa na malapit sa kanilang bahay ang siyang naging pang-laman tiyan ng mga pamilyang nagugutom.

Samantala, ang mga magsasaka at mangingisda sa Camarines Norte na kasama sa mga nagpapakain din sa bansa, nakararanas na rin ng matinding gutom ngayon.

Makakasama rin ni Atom ang ilang lider ng komunidad at organisasyon na naglunsad ng mga pangmatagalang solusyon para tuluyang mahinto na ang pagkalam ng sikmura sa bansa.

Panoorin ang Krisis ng Sikmura sa The Atom Araullo Specials, ngayong Linggo,1:45 p.m., sa GMA.

Grand winner ng Himig 11th Edition tatanggap ng cash prize at house and lot

Bagong ‘Himig’ grand winner ang papangalanan ngayong Linggo (March 21) sa pagtatapos ng 11th edition ng pinakalamaking songwriting competition sa bansa, na mag-iiwan din ng panibagong batch ng mga makabuluhang kanta sa kasaysayan ng OPM.

Sa unang pagkakataon, makakatanggap ang winning composer ng house and lot mula sa Lumina Homes at P300,000 na cash prize. Mag-uuwi naman ng P200,000 ang 2nd placer, P150,000 ang 3rd placer, P100,000 ang 4th placer, at  P80,000 ang 5th placer.

Makakatanggap din ang mananalo ng Most Streamed Song, MYX Choice for Best Music Video,  at MOR Entertainment Choice Award ng tig-P25,000, habang may 1,000 USD naman ang  TFC’s Global Choice. Malalaman din sa awarding ang nanguna sa botohan para sa Himig TikTok Choice Award.

d sa performances ng top 12 interpreters, dapat abangan ang mga pagtatanghal sa Himig 11th finals night na iho-host ni Edward Barber kasama sina Jayda at Jona na magpe-perform din kasama ang ilan pang magagaling na OPM artists gaya nina Erik Santos, Sheryn Regis, Nyoy Volante, Bugoy Drilon, Liezel Garcia at Jed Madela.

Live na mapapanood ang inaabangang event 7 PM sa KTX.ph sa halagang P199 at susundan ng 10:30 PM delayed telecast at streaming sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC Cable at Satellite IPTV, mga YouTube channel ng ABS-CBN Star Music, MYX Philippines, MOR Entertainment, at One Music PH, at ABS-CBN Music official TikTok account (@abscbnmusic).

Show comments