Matapos na iendorso sa pamamagitan ng isang resolusyon ng city council ng Maynila si Congresswoman Vilma Santos bilang National Artist, sinasabing mukhang lumakas ang mga pabor na bigyan na nga siya ng ganoong karangalan. Sinasabi ring mukhang lumalakas din ang kampanya para bigyan ng katulad na karangalan ang musikerong si Joey Ayala at ang yumao nang cartoonist na si Nonoy Marcelo.
Pero si Congresswoman Vi nga, kahit na naniniwala siyang iyan ang pinakamahalagang karangalan ng isang artist, naniniwala siyang bilang isang artista ay napakarami pa niyang magagawa, at sinasabi nga niya, kung siya ay parangalan “salamat” kung hindi naman, hindi siya maghahabol.
“Iyon lang resolution ng City of Manila, malaking bagay na iyon. Hindi lahat ng artista nabibigyan ng ganoong karangalan. Hindi ko sinasabing hindi kabilang sa pangarap ko iyong maging national artist, pero mahaba pa naman ang panahon ko, at sa mga artista marami pang hindi nakakatanggap niyan kagaya ni Dolphy, ang nagsulong ng Filipino music gaya ni Tita Mids (Armida Siguion-Reyna), kung iisipin mo marami na hindi man lang naiko-consider hanggang ngayon so walang dahilan para magmadali ako,” sabi ni Ate Vi.
Ngayon sinasabi nga nilang mukhang ang issue ay hindi lamang bakuna kundi balota na rin. Ano ang masasabi niya sa mga bagay na iyan?
“Honestly hindi ko pa pinag-iisipan. Ni hindi pa namin iyan napag-uusapan ni Ralph (Recto). Kung ako ang tatanungin marami pa akong gustong gawin sa Batangas.
Kung sakali dito na lang ako. Kayo alam naman ninyo ang mga offer sa akin noon pa. Alam ninyo kung sinu-sino na ang kumausap sa akin, pero sabi ko nga, bakit iisipin ko ang ganoon kalaking responsibilidad kung dito lang sa Batangas hindi ko pa natatapos ang lahat ng dapat kong gawin. Actually dapat natapos na, pero nagsisimula pa lamang iyong nakaraang taon, pumutok na ang Taal. Tapos inabot na tayo ng COVID,” sabi pa niya.
Hindi pa rin tumitigil ang fans na humihinging gumawa siya ng pelikula. Ano palagay niya? “Inaamin ko naman, maski ako hinahanap na ng katawan ko iyong dati kong career. Ang acting, buhay ko iyan eh. Hindi lang pelikula, kung nanonood ako ng teleserye, inaamin ko naiinggit ako dahil hindi ko magawa ngayon iyon. Pero papaano ba. Bukod sa busy pa rin ako talaga, ang tindi pa ng pandemya. Aaminin ko takot akong magkasakit. Isa pa, wala pa rin namang sinehan, at kung mayroon man,
alam mo naman ang karamihan sa fans ko, mga senior na rin. Delikado rin sa kanila iyong pumasok sa sinehan. Kaya nga hindi ko rin muna iniisip iyan. Maghintay na lang tayo ng tamang panahon,” sabi pa ni Ate Vi.
Mayor Goma, hindi na gaanong umaasa bakuna
Nagsalita na rin si Mayor Richard Gomez, sinabi nga niya na lumalabas na kahit pala tayo mabakunahan hindi tiyak na hindi na tayo mahahawa ng COVID, dahil marami nang report na bakunado ang tao pero na-COVID pa rin. Kung ganoon, sabi nga ni Mayor Goma, ang mas dapat gawin ay mag-ingat na lang. Magsuot ng face mask, face shield, maghugas ng kamay at mag-disinfect ng bahay.
Tama si Mayor dahil sa ngayon iyon ang mas siguradong paraan kaysa sa mga bakunang una hindi mo malaman kung kailan darating, at saka masaksakan ka man, wala namang katiyakan.
Gay matinee idol at poging male model, nagkatikiman na
Akala namin natapos na ang ilusyon ng gay matinee idol sa isang poging male model. Noon pa kasi ang tsismis na iyan, baguhan pa lang ang poging male model na madalas talagang sinusundo ng gay matinee idol mula sa fashion shows. Akala namin, natapos na iyon nang magkaroon na ng seryosong girlfriend ang model, dahil mukhang nanlamig na si gay matinee idol. Hindi pa pala. Kasi mukhang galing sa kung saang event, dumating si gay matinee idol sa lobby coffee shop ng isang bago at sikat na hotel. Hindi nagtagal ay dumating din ang poging male model. Kinausap ng gay matinee idol ang captain waiter ng coffee shop at nang magbalik iyon ay nakita namin ang iniabot sa gay matinee idol ay susi sa isang room sa hotel. Tapos magkasama na silang pumasok sa elevator ng poging model. Nakangisi namang nagtsitsismis sa kanyang mga kasama ang captain waiter.