Seth at Andrea nagsasabihan ng problema
Masayang-masaya si Seth Fedelin dahil magbibidang muli sa isang teleserye. Muling makakatambal ng aktor si Andrea Brillantes kasama sina Francine Diaz at Kyle Echarri sa Huwag Kang Mangamba na mapapanood na simula ngayong Lunes. Malaki ang pasasalamat ni Seth sa mga kasamahan dahil pamilya na ang turingan sa bagong programa. “Sobra akong pasasalamat sa lahat ng tao na nagtiwala sa akin siyempre. Unang taon ko sa landas na ‘to, pangarap ko na may ganitong tao na akong nakakasama na tinulungan ako. ‘Yung nakatagpo ako ng ganyang tao na hindi lang basta trabaho. ‘Pag nasa likod ng camera, kuwentuhan, payuhan, turo. Kaya gagawin ko talaga ‘yung best lalo na sa bagong show na ito. Ipapakita ko na hanggang ngayon si Seth pa rin nakilala nila no’ng una na ganyan na nag-grow dahil sa tulong nilang lahat,” nakangiting pahayag ni Seth.
Mahigit dalawang taon na ang nakalilipas nang makatambal ng aktor si Andrea sa Kadenang Ginto. Mula noon ay nakilala na ang tambalang SethDrea. Para kay Seth ay talagang espesyal ang pakikitungo nila ng aktres sa isa’t isa. “Talagang ‘pag may personal, family na problema nandiyan ako at nandiyan siya para pagsabihan namin ang isa’t isa, hihingi kami ng advice, sinasabi ko kung ano dapat niyang gawin. Kaya sinasabi ko sa kanya kung ano ‘yung problema niya sa sarili niya. Gano’n na kalapit ‘yung loob namin sa isa’t isa. Hindi lang basta trabaho, hindi lang basta kilig ‘yung pinapakita namin sa tao,” paglalahad ng binata.
Ayon kay Seth ay walang nagbago sa ugali ni Andrea mula noong una pa silang nagkatrabaho kaya naman magkasundung-magkasundo sila sa lahat ng bagay. “Gano’n pa rin naman siya. Wala naman siyang pinagbago. Kumbaga wala akong nakitang bago sa kanya kasi naipakita na niya sa akin ‘yung gano’ng pag-uugali,” pagtatapos ng aktor.
Maricel, kinikilig kina Kira at Grae
Mamayang gabi ay magtatapos na ang teleseryeng Ang Sa Iyo Ay Akin kung saan kabilang si Maricel Soriano. Kasama rin ng Diamond Star sa serye sina Kira Balinger at Grae Fernandez. Isa umano si Maricel sa mga kinikilig sa tambalang KiRae kahit na walang ginagawang eksena sina Kira at Grae. “Naku! Ako ang kinikilig kapag kinakausap ko silang dalawa. Eh paano bagay sila,” bungad ni Maricel.
Pinapaalalahanan din ng beteranang aktres sina Kira at Grae tungkol sa pag-ibig at pakikipagrelasyon. Para kay Maricel ay mga bata pa ang dalawa kaya manatili muna dapat bilang magkaibigan. “Sabi ko nga, mag-usap kayong dalawa ha. Maging friends kayo muna, maging friends then lovers. Huwag kayong mag-ano sa lola n’yo ha, kasi ako, kunsintidora ako sa mga ganyang affair, affair of the hearts. Mag-enjoy muna kayo at saka n’yo i-try, baka mag-click kayo. You’ll never know,” nakangiting pahayag ng aktres. (Reports from JCC)
- Latest