Mas lalo pang liliwanag ang bawat araw at gabi sa Pinoy community platform na Kumu dahil mahigit 100 na Kapamilya stars ang maghahatid ng saya roon simula noong Lunes (March 15).
Sa pinakabagong pagtutulungan sa pagitan ng ABS-CBN at Kumu, mas madalas nang makikita at makaka-bonding ng fans ang mga Kapamilya na maaari ring makilahok sa Kumu campaigns.
Kabilang diyan ang Big 4 at iba pang ex-housemates ng Pinoy Big Brother Connect, ang mga P-Pop group na BGYO, BINI at MNL48, at marami pang mga bituin mula sa Star Magic, Star Hunt, Polaris (It’s Showtime talents), Star Music at RISE Artists Studio.
Parehong nagpapasalamat sina ABS-CBN head of digital Jamie Lopez at ang Kumu sa muling pagtutulungan ng dalawang kumpanya na parehong may layuning magbigay ng magandang palabas at karanansan sa mga tao.
Inanunsyo ang sorpresang ito mula sa Kumu at ABS-CBN sa ginanap na Big Night ng PBB Connect, na isa ring pagsasanib-pwersa sa pagitan ng dalawang kumpanya.
Teaser ng Nagbabagang Luha, nagpasiklab online!
Usap-usapan sa social media ang ipinalabas na teaser ng upcoming GMA Afternoon Prime series na Nagbabagang Luha tampok ang Kapuso stars na sina Glaiza de Castro at Claire Castro na nagpapalitan ng mabibigat na mga linya.
Tumatak agad sa netizens ang pagbitaw ni Glaiza ng salitang “ipalilibing kita” sa co-star. Gagampanan niya ang karakter ni Maita sa GMA adaptation ng classic ‘80s movie na ibinase sa comic novel ni Elena Patron noong 1988. Damang-dama raw nila ang galit at emosyon sa mga mata ng aktres. Ayon pa sa isang netizen, nakita raw nila kay Glaiza si Pirena, ang iconic role niya sa tele-fantasya ng GMA na Encantadia.
Makakasama rin nina Glaiza at Claire sa series sina Rayver Cruz, Mike Tan, Ms. Gina Alajar, Alan Paule, Archi Adamos, Myrtle Sarrosa, Royce Cabrera, Ralph Noriega, Karenina Haniel, Bryan Benedict at Ms. Jaclyn Jose sa isang espesyal na pagganap. Ang seryeng ito ay sa ilalim ng direksyon ni Ricky Davao.