Natawa na lang kami sa sinabi ni Bea Alonzo sa kanyang interview, na hindi na raw siya magkakaroon ng isang boyfriend na sakit lang ng ulo na dapat na inisip niya simula pa noong una.
Ang relasyon niya kay Gerald Anderson, ay sinasabing marami nang problema sa umpisa pa lang. Kaya nga natawa kami noong mabalitaan naming hindi pa naaayos ang mga naunang problema ay nakipagbalikan pa ulit siya sa dating boyfriend, ano ang kinalabasan, ‘di problema rin hanggang tuluyan na nga silang maghiwalay dahil sa sinasabing ghosting.
Mabuti naman at natauhan siya. Na-realize na rin siguro niya na sa pag-ibig hindi lang puro puso ang pinaiiral, kailangan din ng utak. Hindi rin puwedeng puro emosyon lang, kailangang pag-aralan din.
Baka naman sa susunod ang mabalitaan naman natin iniwan na ni Gerald si Julia Barretto at babalikan ang ”toxic” nilang relasyon ni Bea.
Nora, walang endorsement para sa National Artist
Hindi talaga biru-biro ang ginawang pag-eendorso ng City Council ng Maynila kay Congresswoman Vilma Santos bilang National Artist. Hindi na kailangang magpalabas pa ng isang resolusyon, pero tiyak na ganyan din ang damdamin ng Batangas.
Ang Maynila, kahit na ano pa ang sabihin ninyo, at kahit na noong mga nakaraang panahon pa ay kinikilalang pinakamahalagang lungsod sa bansa, at ang opinyon ng Maynila ay naririnig ng buong mundo. Kaya nga ang endorsement nila ay mahalaga.
Bagama’t sinasabi nga sa batas, at pinagtibay pa ng isang desisyon ng Korte Suprema, na ang listahan ng mga nominado sa karangalang iyan ay magmumula lamang sa isang komite ng CCP at NCCA, at batay sa desisyon ng presidente na siyang gagawa ng proklamasyon, tiyak na maririnig din nila ang opinyon ng konseho ng Maynila. Pero iyon ay mananatiling opinyon lamang nila.
Pero isang bagay ang kapansin-pansin. Bagama’t masigasig ang ilang sector sa pelikula na iendorso si Nora Aunor bilang National Artist sa ikatlong pagkakataon, mukhang tahimik sa mga bagay na iyan ang pamahalaan. Una nang ni-reject si Nora noong panahong ang presidente pa ay si Noynoy Aquino. Sa ikalawang pagkakataon, ni-reject din siya ni Presidente Digong. Iyon ay sa kabila ng mga paliwanag ng mga kakampi ni Nora na nakalusot naman siya sa kaso ng droga sa US. May batas kasi sa Los Angeles na basta ang isang offender ay tanggapin ang kanyang kasalanan at first offense naman iyon, palulusutin siya pagkatapos ng community service. Ganoon man, hindi pa rin maganda ang naging dating noon sa Pilipinas.
Palagay namin sa ngayon ay iyan ang isa sa mga kailangan ni Nora. Ang malakas na endorsement ng mga local na pamahalaan na maririnig naman ni Presidente Digong para bigyan naman siya ng konsiderasyon kahit na ni-reject na siya noong una.
Pero sino kayaang mag-eendorso kay Nora?
Dating reyna ng gay bars, sasabak sa BL series
Talagang kumbinsido si direk na kunin ang isang male star sa gagawin niyang pelikulang BL o pambading. Siyempre ang unang consideration, hindi pa naman talaga sikat ang male star kaya mababa pa ang talent fee, na bagay naman sa pelikula niyang malamang sa hindi ay ipapalabas lamang sa internet.
Pangalawa, hindi na siya mahihirapan na kumbinsihin iyon kung ano man ang gusto niyang ipagawa sa eksena, kasi nalaman niyang sa totoong buhay naman pala ay talagang gay ang male star at sanay na iyon sa pakikipagrelasyon sa kapwa gay. Sa madaling salita sabi nga ni direk, “kayang sumubo ng espada o sumayaw ng ballet sa platito.”
Aba eh bakit nga hindi eh “reyna” daw ng gay bars sa Malate dati pa.