Gloria Diaz, wala sa hitsurang 70 na!
Natuwa kami nang mag-post mismo ang Miss Universe Organization ng video ng kanilang pageant noong 1969, kung kailan nanalo ang kauna-unahang Pilipinang Miss Universe, si Gloria Diaz. Ginawa nila iyon kasabay din ng pagbati sa dating Miss Universe sa kanyang 70th birthday. Ipinanganak si Gloria noong March 10,1951 batay na rin sa records ng Miss Universe.
Masasabi mo bang ganoon na ang kanyang edad? Kung titingnan mo lang ang dating Miss Universe, sasabihin mo siguro na siya ay nasa 50s lamang ang edad. Mapapansin mo rin na nang manalo si Ms. Gloria sa Miss Universe, lahat ay natural sa kanyang katawan. Maging ang kanyang paglalakad ay natural na lakad lamang, hindi kagaya ngayon na pati ang paglalakad ng mga beauty queen ay pinag-aaralan, lumalakad sila ng pakembot-kembot na sa totoo lang hindi natural, at karaniwang ginagawa lamang ng mga beki. May nakakasalubong ba kayong babae na ganoon ang lakad?
Kapansin-pansin din na maging ang mukha noon ni Gloria, mukhang natural na natural, hindi kagaya ngayon na ang sumasali sa mga beauty contest parang pinalitadahan ng make up.
Iyong video, kinuha iyon sa film, dahil wala pa namang digital video noong 1969. Malamang iyan 16mm o baka nga 8mm film ang ginamit. Black and white pa. Hindi mo masasabing niretoke, dahil noong panahong iyon hindi naman kagaya ngayon na may mga application para pati ang video ay ma-enhance. Kaya ibig sabihin talagang maganda si Gloria noon pa man.
Aminin namin, naging familiar ang looks si Ms. Gloria sa amin nang ilang ulit naming napanood ang kanyang unang pelikula, ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa, na ginawa ng henyong si Celso Ad. Castillo. Ang pelikulang iyon ay isa sa pinakamalaking hit noong panahong iyon at tumagal nang mahigit na isang buwan sa mga sinehan, tapos ibinalik pa ulit nang ilabas naman ang sinasabi nilang “international version” na muling pinanood ng mga tao.
Iyon ang nagsimula ng trend noon na “wet look”, dahil sa isang eksenang nag-away sina Ms. Gloria at Elizabeth Oropeza sa dagat nang parehong basa ang suot na kamiseta at nakabakat ang hugis ng kanilang katawan.
Claudine, pinaparinggan ang hindi naturuan na ‘kapatid ng magnanakaw ang sinungaling’
Hindi kami naniniwala na may pinariringgan lamang si Claudine Barretto nang sabihin niyang “I would rather be known as an honest sinner, than a lying hypocrite”. Maliwanag naman ang kanyang sinasabi na para sa kanya, mas ok pang aminin ang kanyang pagkakamali. Eh ano ba kung sabihing makasalanan siya. Kaysa naman magpaka-ipokrito, huwag umamin ng mga pagkakamali pero napatunayan namang talamak na sinungaling.
Dito nga sa atin, kasabihan nang “ang sinungaling ay kapatid ng magnanakaw”.
Iyong sinasabi ni Claudine, basic discipline iyan. Itinuturo iyan simula sa pagkabata, na masama ang magsinungaling, unless may mga taong hindi nga naturuan nang ganoon. Pero walang matinong magulang na hindi magsasabi sa kanyang anak na huwag magsinungaling, o hindi magagalit kung sinungaling ang anak niya. Abnormal ang magulang na hindi magagalit kung sinungaling ang anak niya.
Basic discipline lang ang sinasabi ni Claudine at tama iyon.
Senior citizen actor na hindi nakakalabas ng bahay, kung anu-ano na ang sinasabi
Talaga naman daw na bago pa magkaroon ng lockdown ay may problema na ang isang male star sa kanyang pamilya, pero ang obserbasyon ng kanyang mga anak, mas lumala siya nang makulong sa bahay dahil sa lockdown, at dahil senior citizen na rin, hindi na nakakalabas.
Kung anu-ano na raw wala sa ayos ang sinasabi nito, at minsan may mga imaginary na siyang kausap. Hindi naman maikakaila maski na ng mga psychologist na ang napakahabang quarantine ay maaaring pagsimulan ng pagka-burying na nangyayari na nga. May mga pag-aaral pang dahilan din ito ng pagsu-suicide.
Hindi na talaga maganda ang sitwasyon natin na iginigiit naman ng gobyerno dahil ayaw nilang lumala ang kaso ng Covid 19. Pero siguro nga dapat pag-isipan ang mga bagay na iyan. Kawawa naman ang actor na iyan kung tuluyan na siyang mawawala sa sarili dahil sa pagka-buryong.
- Latest