Billy nangatuwiran sa ginawa sa Kapamilya
Hindi na kagulat-gulat ang lumalagong partnership ng Kapamilya channel at TV 5.
In-announce na nga nila na mapapanood na sa Kapatid network ang primetime shows ng Kapamilya channel na Ang Probinsyano, Ang Sa Iyo ay Akin, Walang Hanggang Paalam at ang finale week ng PBB Connect.
Isa sa sobrang natuwa ay si Iza Calzado ng ASIAA dahil dalawang linggo na lang ay matatapos na rin ito. Aniya; “It’s not just about our show---but ABS-CBN programs being given another platform under this scenario. Despite the franchise being taken away from us, people found ways to watch the show. We are forever grateful.”
Tingnan natin kung makakatulong ang partnership na ito sa kanilang primetime dahil isa sa naobserbahan namin nitong nakaraang weekend lang, mas mataas pa ang rating ng programa ng nasa A2Z kesa sa TV 5, kagaya ng ASAP Natin ‘To at FPJ: Da King.
Mataas naman ang rating ng GMA Telebabad, kagaya ng Anak ni Waray Vs. Anak ni Biday na nasa huling linggo na.
Malapit na ring matapos ang Love of My Life, at patuloy ring kinaaliwan ang Owe My Love.
Isa rin sa natutuwa sa partnership ng TV 5 at Kapamilya channel ay si Billy Crawford na namamayagpag sa TV 5.
Tuluy-tuloy pa rin ang Lunch Out Loud niya at simula sa March 13 ng 6pm ay mapapanood na ang bagong game show niyang The Wall Philippines.
Nakatsikahan namin si Billy sa radio program naming Showbiz Talk Ganern sa DZRH nung Biyernes ng gabi.
At sinagot niya ang isyung may nakakatampuhan siya sa ABS-CBN 2 at mahirap na raw siyang makabalik sa Kapamilya channel.
Nilinaw ni Billy na wala siyang na-burn na bridge sa dating network. Bago pa man daw ang ABS-CBN shutdown ay natapos na ang kontrata niya at hindi naman siya ni-renew at hindi raw niya alam kung may plano ba ang ABS na bigyan pa siya ng programa noon.
Hindi raw maiiwasan kung may nagtampo pero sa panahon ngayon, ang mahalaga ay makapagtrabaho dahil kailangan niyang pakainin ang pamilya niya. “So, sa mga taong nagtampo sa akin, siguro normal naman yun, pero sa tagal ko rin naman sa industriya alam n’yo namang galing ako sa 7, pumunta ako ng 2, nagka-show ako sa Channel 13, naikot ko na yata lahat.
Para sa akin kung nakakaintindi kayo ng pangangailangan ng tao, iyun talaga ang uunahin ng tao eh.
“Kailangan kong pakainin ang pamilya ko. Kung sumama ang loob nila, siguro hindi pa time na matatanggap nila.
“Pero anyone is different. Lahat ng tao ay may ibang desisyon, may ibang point sa buhay kung ano gusto nilang gawin sa future nila.
“Basta para sa akin, wala akong natapakan, wala akong nabastos, wala akong ginawang masama alam ko, then ako nagdarasal na lang ako na at least ‘yung magagandang balitang naririnig ko na alam ko may ilang programa sa ABS na ipapalabas sa TV 5, alam mo yun. So, parang nagu-open up ang doors hindi lang para sa network kundi para sa industriya, para sa lahat, para makita kami, marinig ulit tayo.
“So, basta hindi na dapat natin pansinin ‘yung mga taong eto na nga ang baba na nga ang tingin natin sa sarili natin na magpapa-angkla pa tayo sa ikabababa pa natin sa buhay natin, eh huwag na. Move on na lang tayo, at magtrabaho,” saad ni Billy.
Wala naman daw siyang isyu sa mga dating kasamahan sa ABS-CBN, kagaya ng bestfriend niyang si Luis Manzano.
Bumilib nga siya kay Luis dahil tinawagan pa raw siya ni Luis nung tinanggap nito ang hosting ng Your Face Sounds Familiar.
“Nagsabi siya sa akin na actually kinausap ako ng management kung puwede ko raw ba i-host yung Face Sounds Familiar.
“Alam mo sa totoo lang bihira tayong makakita ng tao sa industriya na magkakaroon ng respeto ng ganun na alam mong magtatanong lang sa ‘yo na hindi naman niya kailangan. Nagpasintabi siya…saludo talaga ako sa taong yun na alam mong tunay mong kaibigan.”
Julie Anne ayaw iwan ang pagkanta
Excited si Julie Anne San Jose sa kanyang pagbabalik-acting dahil malapit nang mapanood ang bagong drama series niyang Heartful Café.
Pero hindi naman niya puwedeng kalimutan ang first love niyang pagkanta. Kaya thankful siyang nasa All-Out Sundays siya dahil doon niya naipagpatuloy ang kanyang pagkanta.
Ngayong araw sa AOS ay all-out ang performance ni Julie Anne na kung saan kakantahin niya ang trending song ni Olivia Rodrigo na Drivers License.
Special guest din si Tom Rodriguez na hindi alam ng karamihan, napakagaling din niyang kumanta.
Magiging bahagi si Tom sa All-Star Assembly kasama sina Christian Bautista, Mark Bautista, Derrick Monasterio, Jeremiah Tiangco, Garrett Bolden at halos regular na ring sina Daryl Ong at Bugoy Drilon.
- Latest