Nakakalungkot ang kuwentong nakaabot sa amin na marami pang gustong gawing proyekto ang isang network pero may tali na humihila sa kanila para hindi ‘yun maisakatuparan.
Armado sila ng mga artista at materyales, matindi na ang napatunayan nila sa ganu’ng larangan, pero hindi sila makakilos. May humaharang sa kanila na napakahalaga.
Kailangan na nilang tapusin ang mga palabas na tinututukan pa naman ng mga kababayan natin, kailangang paigsiin ang kuwento, dahil ‘yun ang makatwirang gawin.
Nasasaid na ang kanilang kaban, kinakapos na sila sa puhunan, gustuhin man nilang gawin ang dati ay matinding problema talaga ang kanilang nakaengkuwentro.
“Kinakaya na lang nila ang mga gastusin ngayon, pero hindi sila tatagal, hindi tatakbo ang sasakyan nang walang gasolina,” paalala pa ng aming kausap.
Nakakalungkot.
Male newscaster, wala nang mapuntahan
Ilang taon na ang nakararaan ay magkakaroon na sana ng trabaho ang isang male newscaster sa isang istasyon. Sa dinami-dami ng kanyang pinag-aplayan, sa wakas ay meron nang nagbigay sa kanya ng pag-asa, pero nauwi rin ‘yun sa wala.
Dating aktibo sa kanyang larangan ang male newscaster, kinatatakutan siya sa kanyang mga bira, pero bigla siyang natengga.
“Para siyang pinagtampuhan ng kapalaran. Kung gaano siya kabenta nu’n, para naman siyang hopiang hindi mabili ngayon,” unang paglalarawan ng aming source tungkol sa male newscaster.
Napakarami niya nang sinadyang istasyon para sa kanyang pagbabalik. Naupod na ang suwelas ng kanyang sapatos sa kaaaplay pero wala siyang tinatanggap na malinaw na sagot.
Sabi uli ng aming source, “May isang station na nagbigay sa kanya ng pag-asa, naawa siguro sa kanya, pinagawa siya ng format ng programang gusto niyang gawin.
“Kaso, du’n pa lang, e, sablay na siya, nalabuan na ang station sa mga gusto niyang mangyari, hindi pa man, e, nagpapalutang na siya ng kayabangan.
“May mga gusto siyang ipatanggal sa istasyon, useless na raw ang mga newscasters na ‘yun dahil masasakop na rin ng kanyang format ang ginagawa ng mga gusto niyang ipatanggal.
“Pagbalik niya sa station with matching format na ipinagmamalaki niya, pinaiwanan na lang ‘yun sa kanya, wala nang kumausap na mga bossing sa newscaster.
“Pinagmitingan ‘yun ng mga ehekutibo at isa lang ang naging desisyon nila, wala nang espasyo sa istasyon ang may kahambugang news anchor.
“Napakasakit ng nangyari sa kanya na siya rin naman ang may kasalanan. Nag-aaplay pa lang siya, e, may mga gusto na siyang ipasibak?” manghang-manghang pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Pokwang may punto ang sagot sa bakasyon ni Roque
Positibo ang konotasyon ng salitang bakasyon. Pag-alpas ang ibig sabihin nu’n sa sangdamakmak na trabahong nagpapa-stress sa atin.
Payo ng mga doktor sa mga pasyente nilang sobrang napapagod na at nabuburyong sa pang-araw-araw at nakasasawang ikot ng buhay, bakasyon ang kailangan, kailangan ‘yun ng ating isip at katawan.
Nasa tamang huwisyo si Pokwang nang kontrahin niya ang pahayag ni Presidential Spolesman Harry Roque na kailangan nating pagkatiwalaan ang mga tagapamuno ng ekonomiya ng ating bayan dahil matagal na tayong nagbabakasyon.
Mababaw sa biglang tingin ang argumento ni Pokwang pero sa damdamin ng mga Pilipinong mag-iisang taon na ngayong Marso na nagdarahop ay malalim ‘yun.
Mali ang terminong ginamit ng tagapagsalita ng Palasyo, hindi bakasyon ang maitatawag sa pagkawala ng trabaho nang milyun-milyong Pinoy na kakainin lang sa agahan ay hindi pa alam kung saang kamay ng Diyos nila hahanguin.
Hindi matatawag na pagbabakasyon ang hindi pagtulog nang mahimbing sa gabi dahil walang katiyakan ang bukas. Hindi matatawag na bakasyon ang pakikipaglaban sa buhay sa araw-araw para lang mairaos ang pagdarahop sa maghapon.
Hindi bakasyon ang tamang terminong ikambal sa mga utak na pagod na pagod na, sa mga katawang pagal na pagal na, sa mga gabing itinutulog na lang ang kagutuman dahil sa sobrang hirap ng sitwasyon ngayong pandemya.
Tama at nagpakatotoo lang si Pokwang sa pagkontra. Walang bakasyon sa gitna ng kahirapan.