Anak ni Pacman, Sunshine Cruz at Cherry Pie, pumirma sa star magic

Pormal nang ipinakilala ang mga bagong kabarkada nina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Kyle Echarri, at Seth Fedelin sa Star Magic Plus special contract signing event noong Martes (Marso 2).

Sa pangunguna ni Edward Barber, napanood ang pagpirma ng kontrata sa Star Magic ng 13 bagong teen stars na makakasama ng apat sa Squad+. Kabilang dito ang mga itinuturing na “royalty” bilang mga anak o mula sa angkan ng mga kilalang personalidad sa showbiz. Kabilang dito si Jimuel, anak ni Sen. Manny Pacquiao; Sam, anak ni Sunshine Cruz; at Nio Tria, anak ni Cherry Pie Picache.

Sumunod na rin sa yapak ng kanilang Kapamilya na si Daniel Padilla sina Analain at Ashton Salvador, na kabilang din sa Salvador showbiz clan.

Opisyal na ring bahagi ng Star Magic si Keann Johnson, ang isa sa bida ng MMFF 2020 2nd Best Picture na The Boy Who Foretold The Stars, pati na ang bagong singers na sina Anji Salvacion at KD Estrada na nasusubaybayan tuwing Linggo sa ASAP Natin ‘To.

Certified Kapamilyas na rin ang bagong teen heartthrobs na sina Renshi Rueso at Raven Rigor.

Parte na rin ng Star Magic family ang young actress na si Danica Ontengco na napanood sa La Vida Lena.

Kasama rin sa aalagaan ng talent arm ng ABS-CBN ang teen singer na si Angela Ken, na unang nadiskubre dahil sa kanyang trending TikTok video.

Mismong si ABS-CBN head of entertainment production at head of Star Magic Laurenti Dyogi ang nagpakilala sa Squad+ bilang pinakabagong teen barkada ng Star Magic.

“We want you to enjoy your youth and enjoy the industry, but be responsible to our audience,” paliwanag ni Direk Lauren.

Ang disadvantage lang nila ay walang free TV ang network pero sumisipa naman ang number of likers and followers niya sa multi-digital platforms.

Show comments