Ate Vi, patatapusin muna ang pandemya bago mag-comeback
Mukhang matatagalan pa nga ang paghihintay ng Vilmanians sa gagawing pelikula ni Ate Vi (Vilma Santos).
“Lalo talagang lumabo, alam naman ninyo hindi na ako halos lumalabas ng bahay nang halos isang taon na dahil diyan sa pandemic. Ayaw na nilang payagang lumabas ng bahay ang mga 37 years old na. Maski mga session namin, talagang naka-Zoom na lang ako para makasali sa discussions. Maaari naman akong lumabas, pero nakakatakot din eh, kahit na sabihin mong may bakuna na, maaari ka pa rin naman daw mahawa, hindi nga lang grabe, pero ako kasi umiiwas na ako sa lahat ng risk.
“Isa pa ang shooting ngayon o taping ay naka-lock in bilang bahagi ng pag-iingat nila. Tama naman iyon. May testing sila bago magsimula, at may test din pagkatapos. Kasiguruhan iyon na una, walang mahahawaan, tapos iyong sa pag-uwi naman, at least alam na hindi ka nahawa habang nasa location.
“At kung lock-in, lalong imposible sa akin. Hindi naman maaaring hindi ako umuwi ng bahay dahil may pamilya ako, at kailangan ko rin silang asikasuhin. Ok lang sa akin kahit na magdamagang shooting kagaya noong araw pero iyong wala talagang uwian, iyon ang malabo,” kuwento sa akin ni Cong. Vilma nang maka-chat ko at tanungin tungkol dito.
Dagdag pa niya : Isa pa, wala pa namang mga sinehan. I hope they open soon. Pero hanggang walang sinehan, ano ang gagawin mo sa pelikula mo? Ilalabas mo sa internet na hindi pa rin talaga nakakasanayan ng mga tao, lalo na ang fans ko na aaminin ko, karamihan may edad na rin. Hindi na sila sanay sa bagong technology.
“Tapos mas mabilis pa raw mapirata ang pelikula, kasi video na eh. Noong araw, iyong pelikula ikino-convert pa nila pero napipirata, ngayon mas mabilis kasi mai-download lang nila iyon na. Kaya naman ang ginagawa ng producers ngayon para makabawi, low budget lang, pero kahit na anong ingat ang gawin mo kung low budget ang pelikula, hindi rin magagawang kagaya nang dati,” klarong paliwanag pa niya.
“Kaya para sa akin, hintayin na sigurong maging normal ang lahat bago ko sabihing gagawa na ulit ako ng pelikula. Siguro naman hindi na tatagal itong pandemic na ito dahil may bakuna na,” sabi pa ni Ate Vi.
Andrea, may chance na ligawan ni John Lloyd?!
Walang direktang reaksiyon si Andrea Torres sa ginawang pag-amin ng dating boyfriend na si Derek Ramsay na may relasyon nga sila ni Ellen Adarna. Hindi rin naman kumikibo si John Lloyd Cruz na dating live-in partner ni Ellen at ama ng kanyang anak na si Elias Modesto
Mukhang minabuti nga ng dalawa na manahimik na lang kahit na may himig ng kantiyaw ang ibang comments na nagsasabing “ang bilis nilang napalitan.”
Pinansin din ng netizens na mukha raw magkakapareho sila ng type. Si Derek, matagal nang naging syota at ka-live in pa si Angelica Panganiban, tapos naging syota naman ni John Lloyd. Si Ellen naman ay naka-live in nang matagal at naanakan pa ni John Lloyd, bago naging syota ni Derek ngayon. Mukha raw nagkakapareho nga ng mga type ang dalawang actor. Mukhang pareho rin naman ng type ang dalawang female stars.
Ang tanungan nga tuloy, ligawan din kaya ni John Lloyd si Andrea Torres?
BL series, nabawasan ang viewers nang magpabayad
Inamin ng isang male star na mas kaunti ang audience ng bago nilang BL series, “kasi may bayad.”
Noong una kasi, libre lang napapanood ang kanilang palabas, at siguro nga curious pa sa kanila ang mga tao at hindi pa alam kung magagawa nga ba nila ang daring scenes na kagaya ng ginawa ng iba. Pero nakita na ng mga tao na puro pala pa-cute lang iyon hanggang sa matapos, kaya siguro nawala na rin ang interest ng mga tao.
Isa pa ngang dahilan, inilagay na nila iyon sa channel na may bayad.
Hindi pa ganoon katindi ang dating ng tinatawag na “pink money” sa Pilipinas. Maski naman iyong mga gay indie na nauna, naglabas na nga ng kalaswaan, hindi pa rin kumita. Wala pa ang “pink peso.”
- Latest