Kinumpirma nina Angel Locsin at Neil Arce na sa susunod na taon na matutuloy ang kanilang pag-iisang-dibdib. Naudlot ang pagpapakasal dapat ng magkasintahan ngayong taon dahil pa rin sa banta ng COVID-19 pandemic “Tuloy naman siya, ano lang namin, kailangan lang may ayusin. Of course, there’s the threat of the new strain nga, hindi ba? Tapos may mga protocol tayo na dapat sundin para safe po ang lahat. ‘Yon lang ang inaayos,” bungad ni Angel.
Bago pa magkaroon ng pandemya ay pinaghahandaan na ng magkasintahan ang lahat ng mga kakailanganin para sa kanilang kasal. Hanggang sa naabutan na ng pagpapatupad ng community quarantine sa bansa noong isang taon kaya napatigil ang kanilang preparasyon. “Actually medyo hassle, kasi bago pa lang ang pandemic ay plantsado na lahat. Alam na namin ‘yung gusto naming pareho. Tapos no’ng nagkaroon ng pandemic, lahat ‘yon kailangan burahin namin lahat,” kuwento ng dalaga.
Ayon naman kay Neil ay talagang gusto lamang niyang iparanas kay Angel ang dream wedding nito. “Nag-usap din kami, ‘Ano ba ang gusto nating wedding?’ Since we’ve been friends for a long time, gusto lang talaga namin ay masaya lang ang lahat ng tao. Hindi ‘yung ilang na ilang kang gumalaw. Sabi ko, ‘di siya nag-prom, ‘di siya nag-debut, ‘yung gano’ng mga bagay. Sana lang ay makuha niya ang wedding na gusto niya,” paglalahad ni Neil.
Ngayon pa lamang ay napag-uusapan na rin nina Angel at Neil kung ilan ang gusto nilang maging anak kapag nakapagpakasal na. “Pareho kami na hindi big family. So maybe one or two,” pagbabahagi ng binata. “Basta kung ano ang ibigay ni Lord. Ayaw naming ma-pressure, sana one or two lang kasi mahirap ang buhay, mahirap mag-alaga,” pagtatapos naman ng aktres.
Iyah, hindi kayang ipagpapalit ang trabaho sa comedy bar
Isa si Iyah Mina sa labis na naapektuhan sa pagsasara ng mga comedy bar noong isang taon dahil sa pagkakaroon ng pandemya. Maraming taon na nakapagtanghal tuwing gabi ang komedyante sa iba’t ibang bar bilang pangunahing hanapbuhay. “Sobrang major adjustment. Kasi ang laki ng nawala sa amin. Kasi gabi-gabi may work kami. Gabi-gabi ‘yung TF (talent fee) namin nakukuha namin. Buti na lang, kahit paano nakapaghanda kami nang konti. May ipon pero nauubos. So walang dumarating na events sa akin. So ang adjustment, magsumikap,” pagbabahagi ni Iyah.
Upang makapagpatuloy sa nakasanayang trabaho ay nagsusumikap ang komedyante na makapagpatawa pa online upang makatulong na rin sa mga kasamahang nawalan ng hanapbuhay. “Kaming mga nawalan, nag-online show kami and ‘yung mga nalilikom namin, we share sa mga friends namin na nawalan ng work,” kuwento niya.
Malaki ang pasasalamat ni Iyah dahil kahit papaano ay mayroon siyang mga trabaho bilang aktres sa pelikula at telebisyon. Kung papipiliin ay hinding-hindi umano ipagpapalit ng komedyante ang trabahong nakagawian sa mga comedy bar. “Ako nga sabi ko sa sarili ko, ‘Ano na ba ang gusto ko mangyari? Go pa din ba sa nightly gigs sa comedy bar o mag-acting?’ Sabi ko sa sarili ko, ‘Hindi, hindi ko iiwan ang comedy bar!’ Kasi ‘yan ang bread and butter ko before,” pagtatapat ng komedyante. -Reports from JCC-