Air Supply, puring-puri sina Inigo at Moophs

Inigo at Air Supply
STAR/ File

May “great production” at “great sound” daw ang All Out Of Love remake nina Inigo Pascual at Moophs ayon sa Air Supply na binubuo nina Graham Russell at Russell Hitchcock.

Inawit ni Inigo ang ilang bahagi ng kanta sa All Out Of Love virtual media conference ng Tarsier Records at muling napabilib si Graham sa bagong rendisyon ng kanta. Aniya, “That blows my mind! What a beautiful voice you got and the vibrato is so natural. You’ve been given a great gift and I hope throughout your career you’ll share it with the world,” papuri nito sa anak ni Piolo Pascual.

Samantala, ikinuwento naman ni Inigo kung ano ang halaga ng All Out Of Love para sa kanya. Sabi niya, “This is definitely one of my favorite songs from Air Supply. I guess a lot of people can relate to it right now because many people don’t have Valentine’s dates this year.”

Natuwa naman si Russell sa pagiging tapat ng reimagined All Out Of Love  version sa tunay na mensahe ng awitin. “The fact that it’s true to its essence in the way Graham wrote it is another great tribute to the song. That’s the way I want to hear it.”

Nakatakda nang maganap ang virtual concert ng Air Supply na pinamagatang Love Letters live mula sa Florida Theater sa Amerika sa Valentine’s Day (Pebrero 15 sa Pilipinas) at iniimbitahan nila ang kanilang Pinoy fans na abangan ang show kung saan may ipaparinig silang mga bagong kanta.

Ang awiting All Out Of Love ang una sa series ng Air Supply remake na gagawin ng Tarsier Records ngayong 2021.

Nakasentro ang pop reimagination ng 1980 classic sa emosyong nararamdaman ng iniwan ng minamahal na may tunog trap ballad gamit ang gitara.

Ang All Out Of Love na nga ang pinakabagong collaboration nina Inigo at Moophs, na nasa likod din ng dancehall-pop tune na Always, na naging bahagi ng The 100 Best Songs of 2020 ng Apple Music. Sila rin ang nasa likod ng awiting Catching Feelings, na mayroon nang higit sa 10 million streams sa Spotify at 100K dance challenge entries.

Samantala, ipinagdiwang naman ng Air Supply ang kanilang ika-45 taon sa industriya noong 2020.

Bukod sa All Out Of Love, sila rin ang nagpasikat ng mga kantang Making Love Out Of Nothing At All, Lost In Love, Two Less Lonely People, at  Just As I Am  sa buong mundo.

Nabanggit din nina Graham and Russell na handa silang mag-record ng Tagalog song kung magkakaroon ng pagkakataon.

Show comments