The Hows of Jing: Mas madalas ba kayong nagkakainisan na mag-asawa ngayong pandemic?

Kaya kung napapansin ninyong madalas kayong nag-aaway ng iyong partner, huwag mag-alala. Walang kang diperensiya. Ito’y bahagi ng tinatawag na love (and hate) in the time of coronavirus.
Rodnae Productions via Pexels

Maihahambing ang buhay may-asawa ngayong may pandemya sa isang mahabang road trip ng pamilya. Masaya kayo dahil kayo’y magkakasama, pero mabaliw-baliw na rin kayo sa isa’t isa. Kaya hindi nakagugulat ang report ng ilang news companies na ang pandemya ay nagdudulot ng katakot-takot na stress sa buhay mag-asawa na humahantong kung minsan sa paghihiwalay.

Iniulat ng BBC News na tumaas ang inquiries at application para sa divorce sa United Kingdom. Ganito rin ang sinabi ng New York Times, na tinukoy pa ang kawalan ng hanapbuhay at mga hamon sa ekonomiya bilang dagdag stress. Batay sa survey results na inilabas ng international research company na Ipsos noong Agosto, nakasaad na isa sa limang mag-asawa o magkapartner ay mas madalas mag-away ngayong pandemya, at 30 percent naman ng couples o mag-partner na sumagot sa survey ang nagsabi na mas naiinis sila sa kanilang partner ngayon kumpara sa dati.

Kaya kung napapansin ninyong madalas kayong nag-aaway ng iyong partner, huwag mag-alala. Walang kang diperensiya. Ito’y bahagi ng tinatawag na love (and hate) in the time of coronavirus.

Ano nga ba ang challenges o mga hamon na kinahaharap ng mga mag-partner at paano gagawing pandemic-proof ang inyong relasyon.

Kamakailan ay inimbitahan ko ang relationship at parenting expert na si Maribel Dionisio ng Love Institute bilang panauhin sa aking Pamilya Talk episode tungkol sa pagpapatibay ng buhay-mag-asawa (“How to strengthen a marriage and keep the fire burning.).

Dahil ngayon ay buwan ng pag-ibig, ibabahagi ko sa inyo ang kanyang tips, pati na rin ang mga natutunan ko sa mga libro ng ilan sa mga pinakasikat na marriage at relationship counsellors, at sa training naming mag-asawa sa Ateneo Center for Family Ministries (RMT-CEFAM).

Challenge #1:Wala nang tradisyonal na date

Palaging sinasabi ni Maribel na mahalagng magkaroon ng regular na Couple Time na malayo sa bahay at sa mga anak. Para sa aming mag-asawa, ginawa na naming bonding ang pagbisita sa aming kaibigan at hairstylist-par-excellence Fred Panales ng Hairshaft Salon bilang aming regular na hair-date sa Podium.

Kung hindi pa kayo komportableng magpunta sa mga restaurant, maaari pa rin kayong magkaroon ng sariling “date night” sa bahay. Maglakad kayong naka-holding hands o di kaya’y magkasamang manood ng pelikula habang tulog ang mga bata.   Pero kahit hindi date nights, ugaliin pa ring magkaroon ng pisikal at emosyonal na koneksiyon.

Naniniwala pa rin ako sa love letters. Pero kung hindi man kayo mahilig magsulat, maaari ninyong iregalo na lang ang tula na nakita ninyo online. O puwede ninyong gawin ang ginawa ng isa naming manonood sa #PamilyaTalk  --- nag-iiwan ang kanyang mister ng sticky notes sa kanilang refrigerator.

Challenge #2: Ibinubunton ninyo sa isa’t isa ang stress ninyo.

Dahil sa pandemya, tumaas ang ating stress level at naging limitado rin ang mga paraan para ma-de-stress – tulad ng paglabas kasama ang mga kaibigan o ang lingguhang ritwal ng manicure at pedicure. 

Selfie-time with Nonong, pagkatapos ng aming regular hair-date sa Hairshaft Salon.

Ang regular na ka-date din namin ni Nonong, ang hairstylist at may-ari ng Hairshaft Salon, Fred Panales

Kung masama ang inyong mood, maaari ninyo itong ibunton at ilabas sa mga taong nasa paligid mo. O maaari ka ring maging clingy, sensitibo o mainitin ang ulo. Ang lahat ng kinikimkim na stress ay posibleng maging bomba na puwedeng pagsimulan ng away.

Para sa mga kalalakihan, hinaharap nila ang problema sa pamamagitan ng pagkimkim ng kanilang nararamdaman. Tumatanggi silang pag-usapan ito.

Normal lang ang stress.  Pero ang ating reaksiyon kung paano natin ito hinaharap ay posibleng makaapekto sa ating buhay may-asawa. Kaya mahalagang magkaroon ng tinatawag na emotional maturity para malaman ang ating nararamdaman at magkaroon ng tapang na sabihin sa ibang tao kung anong suporta ang ating kailangan.

Tulad ng nabanggit sa Pamilya Talk, kasama sa emotional maturity ang pagiging bukas na intindihin ang perspektibo at pinanggagalingan ng ating partner.

Challenge #3: Wala kayong boundaries

Bahagi rin ng maayos na relasyon ang “social distancing.”   Kailangan mo ng panahong mapag-isa --  na mahirap gawin ngayon dahil ang buong pamilya ay nagtatrabaho, nag-aaral at naglalaro sa ilalim ng iisang bubong, Kailangan mong humingi ng Me -Time para gawin ang anumang gusto mo para sa iyong sarili at para mapakalma ang iyong isipan.

Kung mayroon kayong mga anak na inaalagaan, kailangang mag-salitan kayong mag-asawa para pareho kayong magkaroon ng Me- Time.

Challenge #4: Pagtatalo na nauuwi sa malaking away

Nagsisimula lang ito sa malilit na mga bagay – tulad ng naiinis ka kapag iniiwan niya ang kanyang damit sa sahig – at hindi mo napapansin ay sinisigawan ninyo na ang isa’t isa.

Dahil sa stress at kawalan ng space, maaaring humantong ang simpleng pag-uusap sa malaking away. Kapag nakikita ninyo na papunta na kayo sa malaking argumento, huminga nang malalim at subukang unawain ang sinasabi ng inyong partner. Magtanong at makinig nang hindi nanghuhusga.

Alalahanin na ang punto ng komunikasyon ay hindi manalo sa argumento kundi resolbahin ang problema. At kung pareho kayong hindi nakikinig, pinalalala lang ninyo ang galit ng isa’t isa. Kung masyado kang emosyonal para mag-isip nang malinaw, mas magandang bigyan ng panahon at space ang isa’t isa para kumalma.

Challenge #5: Ang closeness ay nauuwi sa pagiging kritikal

Noong nagsisimula pa lang kayong mag-date, kinikilig ka kahit sa simpleng text message lang.  Cute pang tingnan kapag mayroon siyang maliliit na pagkakamali.  Ngunit sa paglipas ng panahon, hindi na ito nagiging cute at kinaiinisan na natin.  Binabalewala na natin ang sweetness at nakatuon na tayo sa mga bagay na hindi niya ginagawa.

Ang dalawang pinakamahalagang salita sa kasal ay “Thank You.” “Hanapin natin ang tamang ginagawa ng ating partner at pasalamatan natin ito,” sabi ni Julie Gottman, co-founder ng Gottman Institute for marriage and counselling, at may-akda ng ilang sikat na libro kasama ang asawang si John.

Pasalamatan sila sa paggawa ng kape sa umaga, o kapag naalala niyang bilihan ka ng paborito mong pagkain sa supermarket. Pasalamatan siya sa pagpapatulog sa inyong mga anak, kahit alam mong madalas na niya itong ginagawa.

Tulad ng pagdidilig ng halaman, titibay ang ating relasyon kapag dinidiligan ng mga salita ng pasasalamat.  Makatutulong pa ito para mas magkusa ang inyong mister. Ito’y parang pagdidisiplina: Mas tumutugon ang bata sa papuri at magagandang salita. Gayundin ang ating mga mister!

Maliban sa papapasalamat sa kanyang ginagawa, mahalaga rin na tanggapin kung ano siya. Tanging sarili lang natin ang kaya nating kontrolin, at para sa kapayapaan ng ating isipan at kapayapaan sa ating tahanan, hayaan na lang natin ang mga bagay na hindi natin kayang baguhin.

---------------

Ipadala ang inyong mga kuwento, tanong o suhestiyon sa jingcastaneda21@gmail.com. You can also follow my social media accounts:  Instagram, Facebook, Youtube, Twitter,  and Kumu.

Show comments