Napapanood na ngayon sa pamamagitan ng iWant.TFC ang seryeng Unloving U na pinagbibidahan nina Loisa Andalio at Ronnie Alonte. Bukod sa magkasintahan ay kabilang din sa naturang proyekto ang mag-asawang sina Gelli de Belen at Ariel Rivera.
Ayon kay Gelli ay talagang nahirapan siya sa trabaho dahil sa pagpapatupad ng production ng safety protocols dahil sa banta ng covid-19 pandemic. “Mahirap, maraming restrictions, mahirap ‘yung social distancing. Kailangan you’re conscious about cleanliness, you’re conscious about protecting yourself and protecting others. Tapos pati ‘yung limitations as an actor, you have to be locked in. Maraming limitasyon pero ‘pag naiisip ko ang lahat ng ‘yon at gusto kong magreklamo, iniisip ko na lang, ‘Kaysa wala tayong ginagawa.’ At least dito gumawa tayo ng paraan to work on this situation and if this is what it will take to make it work and para makapagtrabaho muli. For now this is the new normal, so tiis-tiis na lang. Gising sa umaga, make-up, ayos, go to the set, uwi, tulog, tulog na. Wala ng ibang pwedeng gawin kasi hilo ka na. Napagod ka na kasi nga we’re always on the move,” paglalahad ni Gelli.
Kahit nahirapan sa trabaho ay masaya naman ang aktres dahil kasama ang asawa sa lock-in taping. “Ang pinaka-fun dito is like working with our significant others. I think that’s the most fun part of it all. I am working with my husband and sila mag-boyfriend girlfriend (Loisa at Ronnie). So they’re working together. I think that’s the fun part of it all I must say. It’s different actually,” nakangiting pahayag ng aktres.
Andre, gusto ring gumawa ng sariling pangalan
Magtutuloy na sa pagsabak sa show business si Andre Yllana. Kamakailan ay pumirma na ng kontrata ang binata sa Viva Artists Agency. Matatandaang naging talent din ng Star Magic si Andre noon pero hindi naging aktibo dahil sa pag-aaral nito ng kolehiyo. “Handang-handa na po ako kasi patapos na rin po ako sa pag-aaral po. ‘Yon po ang naging hadlang dati po. Nahihirapan po ako pagsabayin. Pa-graduate na rin po ako ngayon. OJT na lang po kaya sure na sure na po tayo ngayon,” paliwanag ni Andre.
Nakahanda na rin umano ang baguhang aktor para sa mga intrigang posibleng harapin sa pagiging isang artista. “Throughout the years po, hindi po maiiwasan ‘yung questions tungkol kay Mom pati kay Daddy. Siyempre ‘yung issues ng both parties minsan tinatanong din po ako. So, kumbaga, growing up, talagang nasanay na rin po ako dahil hindi na po nawala ‘yung mga questions na ganoon,” pagtatapat ng binata.
Umaasa si Andre na makagagawa rin ng sariling pangalan sa industriya katulad ng kanyang mga magulang. Reports from JCC