JC, sumikat sa pandemya
Nakilala si JC Alcantara noong isang taon nang magbida sa boys’ love digital series na Hello Stranger kasama si Tony Labrusca. Malaki ang pasasalamat ng aktor dahil tinangkilik ng netizens ang naturang online series noon at ngayon ay isa na itong pelikula. “Sobrang grateful ko po na nabigyan ako ng projects nitong lockdown. Kumbaga ang daming artista na nawalan ng project kaya sobrang laki ng utang na loob ko sa ABS-CBN. Maraming salamat po, ang dami rin pong taong tumanggap sa karakter ko, ang daming naka-relate kaya ang daming nagme-message sa akin that time no’ng naipalabas po ito, ” bungad ni JC.
Hindi umano inakala ng binata na siya ay sisikat at marami pang magagawang proyekto pagkatapos maipalabas ang kanilang online series.
Para kay JC ay naging sulit ang lahat ng pagod at hirap noong ginagawa ang Hello Stranger dahil na rin sa pagpapatupad ng community quarantine sa bansa. “Di ko in-expect na after noon mayroong mga blessing na dumating kaya sobrang nagpapasalamat ako sa management ko. Dito, sa bahay ko lang po talaga shinoot ang mga napapanood sa series. Kumbaga lahat ng setup, ako rin po. ‘Yung ilaw, wardrobe, ako na nag-aayos at camera ako na rin po ang may gamit doon,” pagbabahagi ng aktor.
Mapapanood sa pamamagitan ng ktx.ph ang Hello Stranger The Movie simula ngayong February 12.
Yamyam, naalala kung paano na-stress nang mahiwalay sa pamilya
Ilang mga ari-arian na ang naipundar ni Yamyam Gucong mula nang tanghaling Big Winner ng Pinoy Big Brother Otso edition noong 2019. Sinisikap ng binata na makapagpundar para guminhawa ang buhay ng pamilya. “Isa no’n ay nakabili ako ng lupa. Amin na ‘yung sinasakahan namin dati. Tapos bumili rin ako ng sasakyan,” pagtatapat ni Yamyam.
Bukod sa pagkakaroon ng sariling lupain at bagong sasakyan ay mayroon na ring negosyo sa probinsya ang baguhang aktor na pinamamahalaan ng mga kapatid. “May bake shop, may konting negosyo ako, hindi rin ‘yon akin. Para sa kanila rin ‘yon, family business,” dagdag niya.
Ayon kay Yamyam ay talagang pinagsusumikapan niya ang lahat upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya. Itinuturing ng aktor na isang malaking sakripisyo ang mawalay sa pamilyang nakabase sa Bohol nang dahil sa kanyang mga trabaho sa show business. “Ang advice ko lang is always pray talaga sa Panginoon natin. I-relate ko lang sa nangyari sa akin. Sobra akong na-stress na mapalayo sa kanila. Isipin mo na lang kung gaano kahirap ang buhay mo dati at ano ang inspirasyon mo sa buhay para maibigay at ma-provide mo sa mga mahal sa buhay. Manalangin ka lang at ibibigay ng Diyos,” pagtatapos ng aktor. -Reports from JCC-
- Latest