Pinagpistahan sa isang malayuang kuwentuhan ang isang sikat na personalidad na ayon sa magkakausap ay magaling lang tumulong sa kanyang kapwa kapag may mga kamerang nakatutok sa kanya.
Maraming tinutulungan ang pamosong personalidad na puwedeng lalaki at puwede rin namang maging babae. Hinahangaan siya ng publiko na nakakapanood sa kanyang pagtulong.
Kuwento ng aming source, “Televised kasi ang pagtulong niya. Walang pampaaral ang isang kababayan natin, siya ang magbibigay ng pang-tuition! Walang pambayad sa ospital, siya ang magbabayad!
“Walang pambili ng gamot ang tatay o nanay ng kausap niya on national television, siya ang magbibigay! Ganu’n siya kadaling bumunot ng datung!” unang pasakalye ng aming source tungkol sa beking personalidad.
Heto na. Sinawimpalad na yumao ang isang taong matagal na naglingkod sa kanya. Natural lang na dahil sa haba ng panahong pinagsamahan nila ay asahan ng kanyang mga kasamahan na siya na ang tutulong sa pamilya ng sumakabilang-buhay niyang dating katrabaho.
Patuloy ng aming source, “Shock boogie ang mga kaibigan at katrabaho ng gay personality. Nagbigay lang siya ng abuloy, hindi ‘yun kalakihan, kulang na kulang ‘yun sa inasahan ng mga katrabaho niya.
“Marami kasing personalities na kapag may nagiging problema ang staff nila, e, sila na ang sumasagot. Kesa nga naman sa ibang tao pa humingi ng tulong ang staff nila, e, sila na mismo ang tumutulong.
“Pero hindi ganu’n ang nangyari. Nagbigay lang siya ng abuloy, nakulangan sa ginawa niya ang mga taong nakakaalam kung gaano katindi ang serbisyo sa kanya ng namatay.
“Heto pa. Binigyan niya ng kotse ang staff niya para mabilis ang galaw lalo na kapag sobra ang trapik. Nalungkot ang mga kasamahan niya, kasi nga, kinuha pa niya ang car sa pamilya nu’ng namatay.
“Sa sobrang yaman niya, e, ano na lang ba naman ang kotseng ‘yun kung tutuusin? Sa kakapusan ng pamilya, e, puwede nilang pakinabangan ang sasakyang ‘yun, di ba?
“Sobra silang naapektuhan, sana raw, e, hindi na niya binawi ang kotseng ibinigay niya sa staff niyang napakalaki ng naitulong sa kanya.
“Naisip na lang ng mga katrabaho ng gay personality, hindi kasi televised ‘yun, hindi kasi mapapanood, kaya ganu’n ang ginawa niya. Haaay, naku!” napapailing na lang na pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Raffy at Willie, ngiti lang ang sagot sa mga udyok na kumandidato
Siguro nga ay sawang-sawa na sa mga pangako ng mga pulitiko ang ating mga kababayan kaya ang isinusulong na nila ngayon sa mundo ng pulitika ay mga artista at kilalang personalidad na lantarang nakatutulong.
Sa isang survey sa panguluhan ay nanguna ang pangalan ni Raffy Tulfo. Sa isa naman ay kinabog ni Willie Revillame ang mga kilalang pulitiko.
Bugso man ng damdamin na matatawag ang resulta ng survey ay lumalabas pa rin ang katotohanan na mga personalidad na nakikita ng mga kababayan nating tumutulong talaga sa kanilang kapwa ang gusto nilang maupo sa mataas na posisyon.
Palibhasa’y wala naman silang planong makilahok sa pulitika ay napapangiti na lang sina Kuya Raffy at Willie sa kinalabasan ng survey. Ipinagkibit-balikat nila ‘yun na may himig ng pasasalamat.
Araw-araw kasing nakatutulong sa mga problemado nating kababayan lalo na ngayong panahon ng pandemya sina Raffy Tulfo at Willie Revillame.
Napapanood nila ‘yun sa telebisyon, naglalaan talaga ng halagang pangtulong sa ating mga kababayan ang dalawang personalidad.
Pero walang kaplanu-planong makisali sa mundo ng pulitika sina Raffy at Willie, malayo ‘yun sa kanilang bituka, ni sa panaginip lang ay hindi nila nakikita ang kanilang mga sarili na may pinanghahawakang posisyon sa ating pamahalaan.
Tama na para sa kanila ang pagtulong sa abot ng kanilang makakayanan. Mas naniniwala sila sa pagbabahagi ng kung anumang meron sila kesa sa tumanggap.
Pero paalala ng isang kaibigan naming abogado, “Remember, may tinatawag na destiny. Sa pagkapanganak pa lang natin, e, nasa ating palad na kung ano ang magiging kapalaran natin.
“Paano kung nasa guhit pala ng palad nina Raffy at Willie ang pagseserbisyo-publiko? Ayaw man nila, they cannot go against fate, du’n pa rin ang kauuwian nila,” sabi ng aming kausap.
Okey….