Masayang-masaya si Regine Velasquez dahil napapanood na rin ang ASAP Natin ‘To sa TV5 ngayon. Para sa Asia’s Songbird ay maituturing na isang historical event ang pagsasanib-pwersa ng dalawang TV stations sa Pilipinas. “I’m very, very grateful and natutuwa rin ako. Na-witness ko ‘yung pagdyu-join forces ni ABS-CBN and TV5, parang malaking bagay. Natutuwa ako na I’m part of that,” nakangiting pahayag ni Regine.
Pinaghahandaan na ng singer ang Freedom Valentine’s concert na mangyayari sa February 14. Mapapanood ito sa pamamagitan ng ktx.ph. Ayon kay Regine ay ibang-iba umano ang masasaksihan sa kanya ngayon ng mga tagahanga sa naturang virtual show. “Sinasabi ko nga na i-lower n’yo muna nang konti ang expectations n’yo this year. So hopefully I can still surprise you. But the line up of songs that we prepared I think meron kayong pasabog or masosorpresa pa din kayo. Kasi ‘yung line up ng songs,” pagbabahagi niya.
Samantala, para kay Regine ay mayroon ding magandang naidulot itong pandemyang nararanasan natin ngayon. Maraming mga bagay na nadiskubre ang singer dahil sa pananatili nang mas matagal sa bahay kasama ang pamilya. “Madami na tayong learnings dito ngayon. Marami na tayong na-discover about each other. We’ve become closer as a family, friends. Mas naging importante ‘yon kaysa sa kinikita namin, kaysa sa mga materyal na bagay. Mas naging importante ang relationship. So ako I’m praying na we will not go back to our old life and we just continue with this new found learnings in life we are all experiencing now,” makahulugang pahayag ng Asia’s Songbird.
Baron, nabato ng script sa mukha
May isang pangyayari sa buhay ni Baron Geisler ang hinding-hindi niya makalilimutan bilang isang artista. Ayon sa aktor ay napahiya siya sa sarili at mga kasamahan noon dahil hindi pa nakahanda para sa isang eksenang gagawin. “No’ng Tabing Ilog kasi, si Direk Andoy (Ranay), alas dos ng umaga, blocking na. Kami doon kasi hindi na kami bina-blocking. Parang sinasabi nila, ‘Block yourselves, matatanda na kayo.’ Pagdating na do’n sa take, hindi ko na alam linya ko. Eh wala pa ako sa wisyo. So binato n’ya ‘yung script sa mukha ko. ‘Basahin mo ‘yan!’ So nag-walkout siya,” kuwento ni Baron.
Mula noon ay pinagbutihan na ni Baron ang kanyang trabaho hanggang sa makilala bilang isang magaling na aktor. “I felt so guilty and I said, ‘I don’t want that to happen to me ever again.’ So magmula no’n , naging ready na ako sa bawat eksena,” dagdag niya.
Ngayong nasa pangangalaga na ng Viva Artists Agency si Baron ay nais ng aktor na makapagturo ng acting techniques sa mga baguhang artista sa pamamagitan ng workshops. “Hindi ko pala nasabi kay Boss Vic (del Rosario) na baka puwede akong tumulong mag-facilitate ng acting workshop sa mga aspiring actors dito sa Viva,” pagtatapos ng aktor. Reports from JCC