Ivana Alawi namudmod ng P10k, helmet sa mga 'nagoyong' delivery rider
MANILA, Philippines — Kakaibang "prank" ang isinagawa ng Youtube sensation at singer-actress na si Ivana Alawi sa mga delivery rider sa kanyang bagong video — pero imbis na panti-trip, tulong ang kanyang inihatid sa mga nabanggit.
'Yan nga ang laman ng panibago niyang video na in-upload nitong Lunes, ika-25 ng Enero, bilang ayuda na rin sa mga walang-sawang kumakayod kahit nasa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
"Palagi kasi akong umoorder ng mga pagkain sa mga delivery. Tapos kahit noong pandemic sila talaga 'yung bumabiyahe," ayon sa tanyag na Kapamilya vlogger.
"I think it's time to give back."
Gumamit ng ibang pangalan si Ivana para mag-book ng delivery para na rin walang ideya ang mga nabanggit na sosorpresahin sila ng celebrity.
Ang hindi nila alam, tumataginting na P10,000 at libreng bonggang helmet ang kanilang madadatnan pagdating sa destinasyon.
Tulong sa mga biktima ng 'scammer'
Marami sa ngayon ang nagpapa-deliver na lang ng pagkain o 'di kaya'y nag-oonline shopping para makaiwas sa hawaan ng COVID-19.
Ang problema, marami sa mga umoorder ng pagkain o nagpapa-deliver ay hindi nagbabayad o nagbibigay ng mali-maling impormasyon sa rider.
"‘Yung reason talaga kung bakit ko ‘to ginagawa is because marami akong nakikita na mga scammer na mga tao na akala nila nakakatawa na pagtripan nila ang mga driver na nagpapakahirap magtrabaho," paliwanag ni Ivana.
Basahin: Here’s what happens when you cancel an order on food delivery apps
May kaugnayan: GrabFood explains policy after photos of rider eating canceled order went viral
Hindi tuloy napigilang mapaluha sa tuwa ang mga rider, lalo na't maraming beses na raw sila nakakukuha ng "fake booking" kahit may COVID-19 crisis.
Ang ilan sa mga rider, namukhaan agad si Ivana pagpasok na pagpasok pa lang sa kanyang bakuran.
"Swerte ko naman! Si ma'am Ivana pa," sambit naman ng isa pang rider habang inaabot ang bago niyang helmet.
"Nanginginig ako. Thank you ma'am!" galak na galak namang tugon ng isa pang driver bago sumakay uli sa kanyang motorsiklo.
Matatandaang Nobyembre 2020 nang personal maghatid ng sari-saring ayuda ang naturang showbiz personality sa Cagayan Valley malubog sa baha ng Typhoon Ulysses ang lugar. — James Relativo
- Latest