Nag-celebrate ng kanyang birthday si Raymond Gutierrez. Napili niya ang isang restaurant at doon niya inimbitang magpunta ang kanyang mga kaibigan. Aware siya na may pandemya. Alam niya ang safety protocols. Kaya nga ang usapan, ang mga dadalo ay kailangang sumailalim sa PCR tests. Maliwanag naman na okupado ang restaurant, ibig sabihin walang ibang tao sa loob maliban kay Raymond at sa mga bisita niya.
Pagkatapos ng party, may nag-post ng pictures sa social media, at dahil doon ay sinabi ng City Government ng Taguig na batay sa mga picture, may nalabag ngang safety protocols. Walang social distancing. Dahil doon iniutos na isara ang restaurant.
Ito ang punto. Nang gumawa ng reservations si Raymond sa nasabing restaurant, tiyak namang sinabi nila kung ilan lang ang capacity na kaya nila. Kung lumampas sa capacity, maaari silang tumanggi. Tinanggap nila ang reservations, tinanggap nila ang mga bisita, siguro sa palagay nila wala naman silang nilabag na safety protocols.
Noong matapos iyon at ipasara ang restaurant, bakit si Raymond ang sinisisi? Ano ang kasalanan ni Raymond Gutierrez sa nangyari? Nag-birthday lang siya, at nagbayad sa restaurant na iyon. Sino ba ang magsasabi kung ilan dapat ang capacity? Sino ba ang dapat na nagpapatupad ng guest screening? Sino ba ang nagpapatupad ng safety protocols? Hindi ba iyong restaurant? Bakit ngayon si Raymond ang sinisisi ng iba?
Kahit na sino naman sigurong maraming mga kaibigan kagaya ni Raymond, at may kakayahan namang mag-party, at wala namang intensiyong lumabag sa batas, magagawa iyon.
Ano pa ang isang problema, may regulasyon daw na bawal ang “mass gathering” na mahigit sa sampung tao. Bakit tinanggap ng restaurant iyong reservation para sa mahigit na sampung tao? Isa pang punto, lahat ba talaga ng mga taong iyon ay invited ni Raymond o may nakapag-gatecrash lang, na hindi mo rin masasabing kasalanan ng TV host.
Iyan kasing regulasyon sa mass gathering, hindi maliwanag. Kasi iyan ay isang regulasyon lamang ng IATF. Walang batas na nagtatadhana niyan. Sino ang dapat na magpatupad niyan? Hindi nga ba ang venue. Kaya ang Taguig, ang venue ang kinastigo, hindi si Raymond. Tapos ngayon may magsasabi pang may mga tao raw ang nawalan tuloy ng trabaho dahil kay Raymond.
Pakigamit nga kahit na sandali ang mga utak ninyo?
Nora, ayaw nang ipaglaban ang National Artist
Nagpasalamat, pero sinabihan daw ni Nora Aunor ang kanyang supporters na itigil na ang pakikipaglaban para siya ay bigyan ng karangalan bilang National Artist.
Tama iyan. Iyan ang sinasabi naming “delicadeza.” Ni-reject ka na noong una. Ni-reject ka pa ng pangalawa. Hanggang ikatlo ba naman ipaglalaban mo pa? Tama si Nora sa pagsasabing “bahala na ang Diyos.” Kung para sa kanya ang ganyang karangalan darating iyan, kung hindi naman pabayaan na lang. Bakit kailangang manggalaiti ka sa galit?
Ano ba ang makukuha riyan? Maisasangla ba iyong medalyong tubog sa ginto para makapagpaopera na si Nora ng kanyang lalamunan at makakanta siya ulit? Magagamit ba iyon para makapag-produce ng isang magandang pelikula na magiging box office hit na siya niyang kailangan ngayon bilang superstar? Kung hindi ay para ano nga ba iyan?
Si Nora naman laging pinauupo sa prime seats sa functions kahit na hindi siya national artist. Ayaw na muna naming isipin ang isa pang pribilehiyo ng national artist, hindi pa napapanahon iyon para kay Nora.
Sexy star na naging kabit ni Direk, sinugod ng misis
Hoy sa totoo lang ha, baka akala ninyo masyadong nababastos ang bold stars sa ngayon. Nababastos lang sila dahil hinayaan nilang bastusin sila para mapansin sila. Hindi gaya noong araw na mas matindi pa.
Natatandaan namin ang nangyari noon sa isang batang-bata pang sexy star. Naging girlfriend siya ni direk. Nalaman ng asawa ni direk, at sinugod siya sa tinitirahan niyang apartment. Nagtatalak ang asawa ni direk. Tapos inutusan ang mga kasamang stuntment na buhatin ang lahat ng kasangkapan sa loob ng apartment na sinasabi niyang binili ng asawa niya. Isinakay lahat iyon sa isang truck at umalis na panay pa rin ang talak at mura sa sexy star. Hindi ba siya nabastos noon?
Iyang mga ganyan, hindi maililihim sa mga nakakaalam ng mga kuwento noong nakaraang panahon na kagaya namin.