Michael V., bida sa Voltes V
Teaser pa lang ng Voltes V ang lumabas, pero ang daming netizens na ang nagri-react. Mainit ang balitaktakan nila sa Twitter na ang binabanggit nilang magpaliwanag ay ang head writer nitong si Suzette Doctolero.
Kaya ang aga ng hanash niya sa kanyang Facebook account kahapon tungkol sa mga nagsasabing baka dramang-drama raw itong anime series na ito. “Huwag daw gawing madrama at iyakan ang Voltes V. ‘Ngina. Pa’no iyon kapag mawalay sa kanila si Dr. Armstrong? Konting iyak lang? Isang patak ng luha na lang para di madrama? E sa anime nga, grabeng ngalngal ang mga anak at ang naiwang asawa. Mas tinimpi nga namin sa script.
“At nung namatay ang ina, paano namin gagawin na hindi madrama at nakakaiyak!? Namatay ang nanay mo, di ka iiyak? Ogag ka. Bilangin mo ang luha sa anime version, mapupuno mo ang drum.
“Ang dami pong iyakan at madadrama sa Voltes V! Bago magbida-bida, panoorin ninyo nga uli ang anime verson nang malunod kayo sa drama at luha!,” emote nito.
Naging kontrobersyal ang Voltes V nang ipalabas ito noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos. Kaya siguro nga ang ibang netizens na mema lang sa socmed ay baka walang ideya kung ano talaga ang Voltes V.
Kaya sabi ni Suzette; “Mga bata pa siguro kayo noong napanood ninyo (gaya ko dati) kaya nasa labanan lang lagi ang focus ninyo, pero kung papanoorin ninyo uli ngayon, makikita ninyo na madrama, nakakaiyak at puno ng hinagpis ang kwento..: lalo at hindi lang ito tungkol sa nagkahiwalay na pamilya, kundi kwento rin ito ng mapangahas na pananakop, at paglaban sa mga imperyalistang aliens.
“At dahil dito kaya maraming mga mahal sa buhay, ama, ina, kapwa katrabaho at tagapagtanggol, kapatid, ang mga mamamatay. O so paano hindi madrama at iyakan yan?? “Hintayin, ipunin ang lait, at panoorin muna. Kaysa unahin ang paghuhusga.
“Napakaraming mahuhusay na Pinoy animators ang involved sa show na ito, ang mga scripts ay aprubado rin ng Japan.
“Tayo ang una. Pilipinas. Huwag po munang maging talangkang syonga. Saka na. Pag palabas na. Salamat!”
Involved si Michael V sa Voltes V kaya ang taas ng expectations sa bagong proyektong ito ng GMA 7.
Super lugi na rin... Lunch Out Loud replay na rin ang ibang episode!
Nilinaw ng mga taga-Lunch Out Loud na tuloy na tuloy ang kanilang daily noontime show kahit nag-replay sila noong nakaraang Sabado at meron pa sa susunod na Sabado. Pawang ‘the best of’ ng LOL ang ipalalabas sa dalawang Sabado dahil mahina pa raw kasi ang pasok ng commercial load.
Nangyayari naman yan sa TV shows kapag nagsisimula ang taon.
Pero kailangan talagang magtipid dahil ang laki nga naman ng production cost nito, lalo na’t ang dami nitong hosts.
Kasabay kasi ng ‘the best of’ ng LOL noong Sabado, may post naman ang It’s Showtime na sinasabi nilang abangan ang mas maraming reach, mas malawak na pagsasama sa naturang noontime show na ito nina Vice Ganda, dahil better days are coming daw.
Kaya ang interpretasyon ng karamihan ay baka nga ang It’s Showtime na rin ang papasok sa timeslot ng LOL.
Pero tinitiyak ng aming nakakausap na tuloy na tuloy ang LOL at marami pa raw nakalaan na mas magandang pakulo ang Brighlight Productions para sa programang ito.
Pero siguro mas tipirin pa dahil nasa pandemya pa rin naman tayo ngayon. Puwedeng magbawas siguro ng regular hosts o magkakaroon o alternate na lang sa loob ng isang linggo.
Minsan kasi nagsisiksikan na sila sa stage at dagdagan pa ng dancers na napakarami rin.
Kung napapanood sana nila ang Eat Bulaga, iilan ang main hosts sa studio at wala nga silang dancers. Mga Dabarkads na lang ang sumasayaw sa bawat segment nila.
Pero tuloy pa rin ang Brightlight at marami pa silang nakaplanong shows para sa TV5. May hinihintay lang daw silang dapat ayusin bago umariba pa ang produksyong ito ni dating Cong. Albee Benitez.
- Latest