Female personality biglang pinupuri ang sinisiraang ama ng mga anak

Nakakaaliw ang kuwento ng aming source tungkol sa isang female personality na nagbago na ng tono sa paglalarawan sa kanyang dating karelasyon.

Ano raw kaya ang kinain ng babaeng personalidad nu’ng umagang ‘yun? Kumbinasyon daw kaya ng sinangag, tuyo at itlog ang kanyang nilantakan?

Takang-takang kuwento ng aming impormante, “Nakakaloka siya! Napakaaga niyang tinamaan ng amnesia! Ibang-iba na ang tono ng mga pananalita niya ngayon!

“At talagang on national television pa niya sinabi ‘yun, ha? Anyare? Bakit bigla na niyang pinuri-puri ang ex niya?” unang naguguluhang komento ng aming source.

Nagbalik-alaala ang aming source. Dati kasi ay kung anu-anong kanegahan ang inililitanya ng female personality tungkol sa ama ng kanyang anak, siya mismo ang naninira sa kanyang ex.

Patuloy ng aming source, “E, kanino ba nanggagaling nu’n ang mga upak sa male personality na nakarelasyon niya? Ibang tao ba? Naku, maghunos-dili ang babaeng ‘yun, dahil siya ang promotor sa paninira sa ex niya!

“Sino ba ang nagkukuwento na pinababayaan lang silang mag-ina nu’ng male personality? May mga kuwento pa nga siya na nangangawit ang braso niya sa kapapaypay sa anak nila dahil sa kawalan nila ng kuryente?

“Pati raw ang tuition fee ng anak nila, e, ipinangungutang lang niya, kasi nga, napakairesponsableng tatay raw ng ex niya? Kanino ba ‘yun nanggagaling? Sa kapitbahay ba nila?” nakataas ang kilay na pag-alala ng aming source.

Naguguluhan ngayon ang marami kung alin sa mga kuwento ng female personality ang totoo. ‘Yung dati ba o ang mga pinagsasasabi niya ngayon?

Sabi uli ng aming source, “Ate, ano ba ang totoo? Bakit pinupuri mo na ngayon ang tatay ng anak mo? Napaka-generous daw, matulungin, kaya successful!

“E, paano na ang mga kuwento mo nu’n na para ka pang namamalimos kapag humihingi ka ng datung sa ex mo? Na hindi man lang kayo binibigyan ng panggastos, na ikaw lang ang mag-isang nagsakripisyo para palakihin ang anak mo?

“Anyare, ate? Sobra ka bang nabusog nu’ng oras na ‘yun, pero hindi ka nakadighay? Bakit puro baligtad na ang mga sinasabi mo ngayon? Para hindi maapektuhan ang image ng anak n’yo?

“Nakakaloka si ____(pangalan ng babaeng personalidad), kung anu-ano na lang ang mga ikinukuda, may amnesia na ba siya para hindi niya maalala ang mga paninira niya nu‘n sa father ng anak niya?

“Ano ba ‘yan, napaka-inconsistent niya! Paano siya magkakaroon ng magandang buhay kapag ganyan ang tubo ng dila niya?” naiinis na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Sec. Roque, ‘pinaglihi’  sa patola!

Mukhang nagkamali sa pagpili ng kanyang kakalabanin sa patutsadahan si Presidential Spokesman Harry Roque. Kung patambisan ang kanyang hanap ay ibibigay sa kanya ‘yun ni Vice Ganda.

Hindi uupuan lang ng sikat na ko­med­yante ang kanyang mga parinig, siguradong babalikan nito ang tagapagsalita ng Palasyo, sanay na sanay sa diretso at patagilid na labanan si Vice Ganda.

Ang isinagot ng komedyante sa patambis ni Secretary Roque na dapat ay sa mga eksperto naniniwala ang publiko at hindi sa komedyante ay ibinigay ni Vice ang kanyang hanap.

“I’m a comedian, I’m not a clown! At may kilala akong clown!” Hindi pa du’n nagtapos ang parunggit ng sikat na komed­yante, “I’m a comedian. You are the clown!”

Malaki ang pagkakaiba ng komedyante sa pagiging clown. Payaso ang clown, nagpapatawa pero nakataklob ang ulo, samantalang ang komedyante ay harap-harapang nagpapahalakhak ng publiko.

Siguradong masasaktan si Secretary Harry Roque sa parinig ni Vice Ganda, kaya babalik na naman ito, hanggang sa magtuluy-tuloy na ang kanilang mga pagpaparinigan.

Kung mahilig sa pagpaparinig si Vice ay ganu’n din si Secretary Roque, parang ipinaglihi ito sa patola, kaya sinumang kumontra sa pamahalaan ay pinapatulan nito.

Sabi ng isang kaibigan namin, “Nu’ng papasok sa politics si Secretary Roque, e, nag-guest siya sa GGV. Sa punto ng awareness, e, malaki ang naitulong sa kanya ng show ni Vice, kaya ano ang nangyari at nag-aaway sila ngayon?”

Pareho lang ang nagaganap sa showbiz at sa mundo ng pulitika. Walang permanenteng kaibigan at kaaway. Permanenteng interes lang.

At walang forever! Kung paanong nagbabago ang panahon ay ganu’n din ang tao.

Show comments