Aywan kung bakit nagiging issue pa hanggang ngayon ang pagkakasibak ng Sunday Noontime Live show nina Piolo Pascual at Maja Salvador. Tama ang sinabi ng kanilang director na si Johnny Manahan, after three months, hindi pa kumikita ang show at palagay ng producer na malaki na ang nalulugi sa kanya dahil umaabot pala ng tatlong milyon ang gastos sa bawat show nila.
May nangyayaring sisihan. Sinasabi ni Mr. M sa isang nabasa kong interview na hindi pa nga raw sila nakaka-take off at inakala niya na nakahanda ang producers noon na paabutin man lang ng anim na buwan ang show. Kung umabot iyon ng kalahating taon, makakaagaw na iyon ng audience, magre-rate kahit na papaano at magkakaroon ng commercials.
Hindi naman talaga puwedeng biglain ang kita ng isang show. Kahit naman iyong ASAP noon, hindi naman kumita agad. Ilang ulit din silang nagpalit ng formula, mula sa show noon ng APO, bago sila kumita nang husto.
Mahirap bumangga sa established shows. May market na iyong dalawang kalaban mo eh. Kung iisipin, may advantage pa nga ang show nina Piolo, dahil bago ang show nila, inilalabas ng TV5 ang NBA games na may malaking audience naman talaga. Iyon nga lang, ang panonood ng TV, habit talaga iyan. Kung ano ang nakasanayan, doon sila.
May issue pa na sinasabing “mahina kasi ang signal ng TV5.” Hindi ba alam naman ninyo na 60 kilowatts lang ang signal ng TV5 base sa franchise noon. Bakit mo hahanapin ang lakas ng signal na ang pinagmumulan ay transmitter na 150 kilowatts ang lakas? Diyan maliwanag na makikita mo, hindi nila naiintindihan ang telebisyon.
Ito pa ang isa, balitang ang ipapalit ng TV5 sa isinarang show ay ang ASAP. Mapapanood na ngayon ang ASAP sa cable sa pamamagitan ng kanilang Kapamilya Channel, sa ZOE TV, at sa TV5 bukod pa sa internet. Magandang development iyan para sa kanila dahil mas maraming provincial stations ang TV5, bukod sa magandang signal noon sa Cignal.
Kung mag-rate ang ASAP sa TV5, doon lagot ang SNL. Ibig sabihin, sila lang talaga ang hindi kinagat pero wala nang sisihan.
Tatatlong buwan pa lang namang tumatakbo ang kanilang show. Sa TV basta pumasok ka, ang labanan diyan ay “pahabaan ng pisi.” Patibayan ng puhunan.
Ang gusto mo ay mabawi agad ang puhunan mo, at may tubo pa kahit na papaano, hindi showbiz ang negosyong dapat mong pasukin.
Heart, tutulungan ang babaeng nahagip ng tren dahil sa aso
Hinahanap ni Heart Evangelista si Rachelle, ang babaeng nahagip ng tren sa Sta. Mesa dahil sa pagliligtas niya sa kanyang alagang aso.
Naalala nga siguro ni Heart ang ginawa niyang paghabol sa aso niya, na muntik pa siyang masagasaan. Ngayon gusto niyang tulungan si Rachelle na nangangailangan daw ng tulong sa pagpapagamot. Kailangan din yatang maoperahan iyon.
Magandang pag-isipan ang mga bagay na iyan. Tama naman na mahalin natin ang mga hayop na alaga natin pero hindi naman tama na isugal natin pati na ang buhay natin mismo para iligtas sila. Ano ang katiyakan ni Rachelle na maililigtas niya ang aso sa tren.
At ano ang sinasabi sa kanya ngayon na siya ang nahagip ng tren? Sisisihin mo ba iyong tren?
Dapat isipin din naman ng tao iyong sarili niyang kaligtasan.
Male star na nagseserbisyo sa mga bakla, nagtaas ng presyo
“Ang yabang masyadong maarte ngayon. Sinabihan ko nga siya, noong araw nga P2,500 lang pumapayag ka na kahit na kanino ngayon maarte ka pa,” sabi ng isang gay pimp tungkol sa isang male star.
Ngayon daw P10K na ang hinihingi ng male star para sa kanyang “serbisyo.” Kailangan pa sabihin sa kanya “in detail kung sino ang makaka-date niya” dahil mahirap na raw baka kakilala niya. Pero ayaw naman siyempre ng pimp, papaano nga naman kung dumiretso siya, ‘di nawalan naman ng “hanapbuhay” ang pimp.
Eh siyempre kahit na papaano ay sumisikat na si male star, hindi naman iyan kagaya noong araw na pasayaw-sayaw lang siya. Siyempre kailangang ingatan niya ngayon ang image niya kahit na mga indie lang naman na maliit din ang budget ang mga ginagawa niya.