Ibinida ni Ogie Alcasid ang mga alter ego niyang sina Eydiw Waw at The Wawettes bilang mga bagong musical comic act sa novelty song niyang Maga Ako, Manas Ako mula sa Star Music.
“Ang Maga Ako, Manas Ako ay ang theme song ng mga na-istak sa bahay ‘pag quarantine. ‘Di makatulog kaya kumakain sa gabi. Ito ang pinagdaanan ni Eydie Waw at nais niya itong ikwento kasama ng mga Wawettes,” paliwanag ng singer-songwriter.
Dalawang linggo nang nagpo-post ng teaser ng mga karakter si Ogie sa Instagram page niya, kung saan makikita ang pag-transform niya bilang si Eydie Waw, at sina Tracy, Berta, at Shannon ng The Wawettes na ikinatuwa ng followers niya at mga kaibigan sa industriya.
Nag-post din siya ng picture niya na kinakanta ang awitin bilang si Eydie Waw sa ASAP Natin ‘To stage kasama ang asawa niyang si Regine Velasquez-Alcasid, Kim Chiu, at ZsaZsa Padilla bilang The Wawettes.
Bukod sa pagiging respetadong singer-songwriter at OPM icon, kilala si Ogie bilang komedyante at parodist, na gumagawa at gumaganap sa iba’t ibang orihinal na comical characters at nagi-ispoof ng mga TV show, pelikula, at commercial.
Alamin kung makaka-relate ka ba sa istorya nina Eydie Waw at ng The Wawettes sa Maga Ako, Manas Ako, na mapapakinggan na sa iba’t ibang digital music streaming platforms.