Kapag hindi nakapagpigil sa matinding init ng kanilang pagmamahalan ang isang showbiz couple na mga bagets pa ay siguradong makakakita na naman tayo ng isang kabataang artistang nakalunok ng pakwan.
Nag-aalala ang mga nakakakita sa kanila, sobra-sobra ang pagpapakita nila ng pagmamahal sa isa’t isa, kasal na lang daw ang kulang kina ____at ____(mga pangalan ng magkarelasyon) para maging legal na legal na ang kanilang pagsasama.
Kuwento ng aming source, “Hindi malayong mangyari ang iniisip ng iba, grabe silang mag-PDA (public display of affection), parang may basbas na ng kasal ang paglalambingan nila even in public!
“At mukhang mas matindi ang tama ng pana ni Kupido du’n sa girl! Hindi mo na kailangang magpunta pa sa zoo para makakita ka ng sawang-bitin na palaging nakalingkis sa guy!” kuwento ng aming source.
Madalas na palang matulog sa bahay ng male personality ang babae. Pinababayaan na lang siya ng pamilya ng guwapong aktor dahil nakikita nilang mula nang maging sila na ng young actress ay palagi itong masaya.
Patuloy ng aming source, “Remember, nagkaroon na ng depression nu’n ang guy, di ba? Naging malaking problema ‘yun para sa family niya.
“Ayaw na nilang maulit pa ‘yun, kaya ngayong in-love na naman ang male personality, masaya na rin ang pamilya niya para sa kanya.
“Pero hinay-hinay lang sana sila, napakahaba pa ng panahong nakalaan para sa kanilang relasyon. Marami pang magagandang pangyayaring darating sa kanila dahil pareho naman silang magaling umarte.
“Kailangang may sumubaybay sa kanila, extreme magmahal ang guy, matindi rin kung magmahal ang girl, ibinibigay niya ang lahat-lahat!
“Huwag muna, career muna ang unahin nila, napakarami pang panahon para sa pagmamahal nila sa isa’t isa. Career muna bago ang pagseseryoso sa relasyon.
“Sana lang, e, maisip nila ‘yun. At sana rin, e, masubaybayan sila ng mga taong nakapaligid sa kanila. Mahirap na! Sayang ang mga pangarap nila!” pagtatapos ng aming impormante.
Ubos!
Jomari, pinababayaang mamuhay sa dilim ang mag-iina
Ilang beses nang nalalagay sa gitna ng kontrobersiya si Jomari Yllana dahil sa sustento niya sa dalawang anak nila ni Joy Reyes.
Ito rin ang ex ng aktor na sadyang ibinangga ang sasakyang ibinigay ng munisipyo ng Parañaque kay Jomari sa gate ng bahay ng diumano’y karelasyon niya.
Namahinga lang pansamantala ang kuwento pero muling nabuhay ngayon dahil sa panawagan ni Joy na naputulan sila ng kuryente. Isandaang libong piso ang sangkot sa usapin dahil isang taon na raw silang hindi nakapagbabayad ng ilaw.
Wala silang komunikasyon ni Jomari, kaya sadyang ipinost ni Joy ang senaryo, may nagparating naman nu’n kay Jom.
Sabi ni Joy Reyes ay kayang-kaya nitong tiisin ang kawalan ng kuryente, kaya nitong magsakripisyo, pero awang-awa ito sa dalawang anak nila ng aktor. Naglabas pa ng retrato si Joy na ipinakikita ang kanilang mga anak na magkatabing dumododo na may kadiliman nga ang bahay.
Nang makarating kay Jomari ang post ni Joy, sa halip na makaramdam ng awa sa dalawang bata ay parang sinumbatan pa niya ang ina ng kanyang mga anak, nakapag-post pa raw sa kabila ng kawalan ng kuryente, sana all, sabi pa ni Jomari.
Mas matinding post ang naging sagot ni Joy Reyes, lumalabas pang moron si Jom sa pag-iisip na kapag nawalan ng kuryente ay wala na ring signal ang telepono, huwag na raw iligaw pa ng aktor ang kuwento at gumawa na lang siya ng paraang maresolbahan ang problema ng kanyang mag-iinang namumuhay ngayon sa dilim.
Natural, sangdamakmak na pamba-bash ang inabot ni Jomari, sinsumbatan siya ng mga netizens at sinabihang magaling lang siya sa pagpapasarap pero sa panahon ng problema ay nawawala siya.
Wasak na wasak ang kanyang pagkatao, lalo na ang pagiging konsehal na sumumpang maglilingkod sa kanyang mga nasasakupan, pero ang mismong mga anak naman pala ay pinababayaan.
Sana’y ang kanyang mga anak na lang ang inisip ni Jomari, hindi na sana siya nakipagmatigasan pa kay Joy, dahil kahit naman humantong sa korte ang ganitong usapin ay siguradong talung-talo siya.
Pasok na pasok sa R.A. 9262 ang problemang ito, siguro nama’y hindi na gugustuhin pa ni Jomari Yllana na mas lumaki pa ang usapin, kaya wala siyang pamimilian ngayon kundi ang bayaran ang utang ng kanyang mag-iina sa Meralco.