Nagsanib-pwersa ang R&B at reggae artist na si Bugoy Drilon at island pop producer na si Moophs para sa bagong reggae song na Tied.
Tampok sa Tarsier Records single ang one-sided love na nagpapakita ng pag-asa sa pamamagitan na rin ng infectious melody ng kanta.
“Inspired ang Tied ng isang online love story ng dalawang tao na magkalayo na may relasyong nauwi sa paghihiwalay,” kwento ni Bugoy.
Aniya, sinisimbolo ng kanta ang pakiramdam na nakatali sa tao na parte ng alaala, pero sa kabila nito ay kailangang irespeto ang nararapat na pagkakalayo.
Sinabi naman ni Moophs na may ‘healing energy’ ang awitin na inspired sa kanyang naging proyekto kasama ang two-time Grammy nominee reggae producer na si Leslie “Bimwala” Ludiazo.
Kuwento rin ng music producer na masaya siyang makatrabaho si Bugoy sa unang pagkakataon. “I’m such a fan. Isa siya sa pinakatalented singers to ever step into my studio,” sabi ni Moophs.
May futuristic music video rin ang Tied na malapit nang mapanood sa YouTube channel ng Tarsier Records.
Nakilala si Bugoy sa mga sumikat niyang awitin tulad ng Paano Na Kaya, Muli, at Hindi Na Bale. Ang cover niya ng One Day ni Matisyahu ay may 114-M views na sa YouTube.
Kamakailan naman ay prinodyus ni Moophs ang international collaboration na RISE tampok sina Eric Bellinger, Inigo Pascual, Sam Concepcion, Zee Avi, at Vince Nantes noong 2020. Naging bahagi naman ng The 100 Best Songs of 2020 ng Apple Music ang single nila ni Inigo Pascual na pinamagatang Always.
Mapapakinggan na ang Tied single nina Bugoy at Moophs sa iba’t ibang music streaming platforms.