Sa Japan naganap ang kuwentong ito. Nagkasama sa isang series of shows ang dalawang kilalang lalaking personalidad. Pareho silang kilala, parehong may napatunayan na, mabenta sila sa mga shows sa iba-ibang bansa.
Nagkaroon ng engkuwentro ang dalawang aktor dahil sa isang milyonaryang Haponesa na hindi maligaya sa buhay. Pareho silang nagustuhan ng yayamaning Haponesa.
Kuwento ng aming source, “Ang unang ipinag-shopping ni milyonaryang Haponesa, e, si Actor A. Bonggang-bongga ang mga stuff na bitbit niya nu’ng bumalik na sa hotel!
“Natural, nainggit si Actor B. hindi puwedeng hindi rin siya ipag-shopping ng Haponesang nagpaparamdam ng pagkagusto sa kanya! Hindi siya makapapayag!
“Kinabukasan, siya naman ang ipinag-shopping ng Haponesa. Tuwang-tuwa si Actor B. Kailangang meron din siya ng mga binili ng Haponesa kay Actor A!
“Kailangang it’s a tie ang laban! Walang makalalamang!” unang kuwento ng aming source.
Ayos lang ang laban, napakaparehas, walang nakalamang sa dalawang male personalities. Pero isang gabi ay nagkaroon ng problema. May dala-dalang mamahaling relo ang Haponesa.
Kuwento uli ng aming impormante, “Super-mahal ang relo, hindi nila kayang bumili nu’n, milyon ang halaga ng relo. Natural, gusto nilang pareho na sila ang pagbigyan ng mamahaling relo ng Haponesa.
“Aba, ang dalawang aktor, nagkainitan! Dahil lang sa mamahaling relo, nagsuntukan talaga sila sa harap mismo ng Haponesa! Shock boogie siyempre ang milyonarya, nagsisigaw nang nagsisigaw!
“Ang ending, lumayas sa restaurant ang Japanese, galit na galit, dahil nakita niya mismo ang pagbabangayan ng dalawang personality nang dahil lang sa relo!
“Siguradong kapag binabalikan nilang dalawa ang pangyayaring ‘yun, e, napapahalakhak na lang sila. Ibang-iba na kasi ang buhay ngayon ni Actor A, serbisyo-publiko na siya, nirerespeto sa siyudad na pinamumunuan niya.
“At si Actor B? Patuloy ang pamamayagpag niya bilang isang magaling na aktor. Wala siyang pinipiling role. Pero magkaibigan pa rin sila, palibhasa, e, isang lugar lang naman ang kinalakihan nila,” natatawang pagtatapos ng aming source.
Ubos!
Janella at Markus nakakabilib ang katapangan
May mga sanggol na ipinanganganak na hindi pa napuputol ang pusod ay basta itinatapon na lang sa basurahan. May mga sanggol namang iniiwan sa ospital.
Gumawa ng milagro ang babae, pero natakot at kinapos ng paninindigan, kaya ang walang kamalay-malay na sanggol ay basta na lang itinapon at ipinamigay.
‘Yun ang naaalala namin habang pinanonood ang detalyadong vlog na inilabas ni Janella Salvador mula sa kanyang paglilihi hanggang sa pagsisilang sa kanilang anak ni Markus Paterson na si Baby Jude.
Habang araw-araw nilang ibini-video ang kalagayan ni Janella ay ramdam na ramdam ang pagmamahalan nila ni Markus. Mga batang pag-iibigan ito pero ang pag-iingat nila sa binhi ng kanilang pagmamahalan ay napakasinsero.
Regular ang pagpapa-check-up ni Janella, nakabantay ang kanyang mga bitamina, exercise, pagkain at iba pang kailangan na si Markus ang namamahala.
Nang lumabas ang gender ng sanggol ay para silang naglalaro lang, sigaw sila nang sigaw, kitang-kita ang pagmamahalan sa kanilang pagyayakapan.
Nagdalantao si Janella sa isang panahon na marami siyang proyektong dapat gawin, may mga serye siyang nakaabang, pero tinalikuran niyang lahat ‘yun para panindigan ang kanyang pagdadalantao.
At kahanga-hanga si Markus Paterson na para bigyan ng proteksiyon si Janella ay iniuwi nito sa UK ang kanyang mag-ina. Tinanggap ng kanyang pamilya ang kundisyon ng young actress, minahal at inalagaan, sobra-sobra ang kanilang kaligayahan sa pagdating ni Baby Jude sa kanilang pamilya.
Wala silang planong itago ang kanilang anak, naghintay lang sila nang tamang panahon, gusto nilang ipagmalaki si Baby Jude sa buong mundo.
Napakagandang ehemplo nina Markus at Janella bilang mga batambatang magulang na pansamantalang tinalikuran ang kanilang karera para sa produkto ng kanilang relasyon.
Tularan sana sila ng mga personalidad na dumaan din sa katulad na sitwasyon pero nagtatago sa dilim.
Dalawang beses naming pinanood ang vlog, sumasaludo kami sa katapangan nina Markus at Janella, kahanga-hanga ang pagharap nila sa katotohanan.
Kung ang mga batang magulang ay magiging tulad nila ay wala nang matatagpuang sanggol sa basurahan. Wala nang mga batang kakambalan ng taguring ampon.
At wala nang mga batang habampanahong itinatago sa pagdedenay.