Franchise ng DOS, nakadepende pa rin daw kay Duterte!
Dalawang showbiz personalities, sina Senate President Tito Sotto at Congresswoman Vilma Santos ang halos magkasabay na naghain ng panibagong panukalang batas sa kanya-kanyang sangay ng Kongreso para sa pagbibigay ng 25 taong bagong franchise sa ABS-CBN. Sinasabi ngang ang dalawa ay nagkaroon ng television shows noon sa GMA 7 na siyang kalaban ng ABS-CBN. Si Tito Sen ay ang Eat Bulaga, samantalang si Ate Vi naman ay ang Vilma, na parehong top rating shows noong kanilang panahon sa GMA.
Ang katuwiran ni Senador Sotto ay dahil mahalaga ang isang mapagkukunan ng impormasyon lalo na sa panahon ng pandemya at sunud-sunod na kalamidad, at nadama ang kakulangan dahil nawala nga ang ABS-CBN. Ang network kasi ang sinasabing may pinakamalawak na sakop sa buong Pilipinas.
Sa parte naman ni Ate Vi, sinabi niyang hindi lamang ang mapagkukunan ng impormasyon ang kailangan kundi maibalik unti-unti sa normal ang lahat, lalo na ang ekonomiya, at hindi maikakailang marami nga ang nawalan ng trabaho nang masara ang ABS-CBN. Hindi lamang iyan sa Metro Manila kundi sa marami ring mga probinsiya na ang network ay may local station. Bukod sa sinasabing mga empleyado ng ABS-CBN na nawalan ng trabaho, mayroon pa silang mga contractual workers kagaya ng mga nasa security at maintenance na nawalan din ng trabaho.
Sinasabing ang panukala ay may magandang chances na makalusot sa senado, dahil marami naman sa kanila ang pabor na mabuksan ang ABS-CBN. Ang problema ay nasa House talaga kung saan mabilisang ibinasura ang application for franchise sa committee level pa lamang. May mga kongresistang kagaya ni party-list representative Lito Atienza na nagsabing kung iyon ay umabot sa plenaryo, baka hindi ganoon ang resulta. Pero hindi na nga umabot sa plenaryo.
May mga nagsasabing baka mas maging ok ngayon, dahil nagkaroon na ng pagpapalit sa pamunuan ng lower house, at nawala na rin sa posisyon ang maraming dumikdik noon sa ABS-CBN. Pero sinasabi nga ni opposition Senator Franklin Drilon na sa palagay niya, depende pa rin iyan kay Presidente Digong.
Noon kasi paulit-ulit na sinabi ng presidente na haharangin niya ang franchise ng ABS-CBN, at hindi naman maikakaila na nananatiling marami siyang mga kapanalig sa Kongreso.
OMB, hirap sa paghahabol ng mga pirata
Hahabulin daw ng Optical Media Board ang mga video pirate na nagnakaw ng mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Sinasabing isa sa mga dahilan ng pagbalibag ng MMFF ay ang katotohanang ang mga pelikula ay napirata na sa unang araw pa lamang noon. Pero siyempre ang talagang dahilan naman ay hindi pa ganoon ka-techie ang mga Pinoy para manood ng sine sa internet. Isang katotohanan din na walang box office stars na may pelikula sa MMFF.
Pero ang Optical Media Board, talagang dapat nilang habulin ang video pirates dahil trabaho nila iyan. Kaya sila pinasusuweldo ng bayan para gawin iyan. Kaya sila may kabahagi sa kita ng festival noong mga nakaraang panahon ay para gawin iyan. Kaya bakit pa may announcement ngayon na gagawin nila iyan?
Hindi rin maliwanag kung papaano nila hahabulin ang mga pirate. Papaano mong mahuhuli, nai-download na nila ang mga pelikula, at ngayon ikinakarga na lang sa mga flashdrive at isinasalin lang nila mula sa computers, sa halagang 10 pelikula sa isandaang piso.
Wala kang makikitang DVD o anumang ebidensiya. Kung noong may mga DVD nga hindi nila nalimas eh, ngayon pa?
Aktres, binigyan ng kondisyon ng mga anak bago makipag-ayos
Mabigat ang kondisyon, ang gusto palang mangyari ng mga anak ng isang female star ay hiwalayan muna niya ang kanyang boyfriend, na sinasabing pinakamabigat na pasanin niya sa buhay, bago sila magkasundu-sundo. Hindi kasi tanggap ng kanyang mga anak ang kanyang boyfriend na may asawa rin namang iba, at pabigat pa sa kanya. Pero mukha ngang nagmamatigas ang female star, at ayaw pang humiwalay sa boyfriend niya na tila ba para sa kanya ay mas mahalaga iyon kaysa sa kanyang mga anak.
Eh kung ganyan nga, malamang hindi na sila magkasundu-sundo ng kanyang mga anak. May dahilan naman ang mga anak. Mas asikaso niya ang boyfriend niya kaysa sa kanila.
- Latest