MANILA, Philippines — Dinepenshan ng isa sa mga hosts ng "Pinoy Big Brother: Connect" ang pinakabago nilang napalayas na housemate, na kontrobersyal ngayon dahil sa dating pagsang-ayon sa non-renewal ng sariling prangkisa ng ABS-CBN — kumpanyang humahawak sa kanilang programa.
Ilang araw pa lang ang nakalilipas nang humingi ng tawad kay "Kuya" ang housemates na sina Russu Laurente at Crismar Menchavez dahil sa pagkakampanya nila noon na mawala sa ere ang ABS-CBN.
Kinalaunan, napaalis ng "Bahay ni Kuya" si Russu nitong Linggo.
Basahin: PBB housemate na nag-yes sa ABS-CBN shutdown, kinuyog ng fans
May kinalaman: Kamara ibinasura ang ABS-CBN franchise renewal
"For our 2nd eviction night housemate Russu was evicted because of a mistake he did that eventually made him realize the damage it has done," ani Toni sa isang Instagram post kahapon.
"People are very quick to judge him, call him names and crucify him on social media because of it without realizing that at 19 years old, he doesn’t know the gravity of words spoken."
Patuloy pa ng aktres, natutuhan na ng binata ang kanyang pagkakamali at dapat pang bigyan ng pagkakataong mag-"mature" bilang tao. Natural lang naman daw na magkamali.
"May this also serve as a reminder for us to not define and label a person by the mistakes they’ve committed but from how they rise up, rebuild and become a better person they are really supposed to be. I hugged the boy after the show and he kept apologizing. Forgiveness is a gift everyone deserves," pakiusap pa ng TV host.
Ika-5 ng Mayo nang tuluyang ipatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) ang operasyon ng Kapamilya Network matapos bigong makapagpasa ng batas na mag-e-extend sa kanilang legislative franchise.
Kahit wala nang ABS-CBN, umeere pa rin sa telebisyon ang PBB sa A2Z Channel 11.
'May mali sa sistema'
Ayon naman sa isa pang host ng PBB na si Robi Domingo, nakausap na niya ang pamilya ni Russu patungkol sa isyu at nakapagpaliwanagan sa mga kaganapan.
Kagaya ni Toni, nakiusap siya sa lahat na bigyan ng pagkakataon ang binatang matuto sa mga pagkakamali.
"I just want to give my utmost respect to Russu's family, most esp his kuya, whom I got to talk to," ani Robi.
"We have to admit that something is wrong with the system... [B]ut it also gives us that opportunity to learn from each other and grow. Remember, there is always hope in humanity."
I just want to give my utmost respect to Russu's family, most esp his kuya, whom I got to talk to. We have to admit that something is wrong with the system... but it also gives us that opportunity to learn from each other and grow.
— Robi Domingo (@robertmarion) January 3, 2021
Remember, there is always hope in humanity.
Dati nang iniuugnay ng marami ang pagpapasara sa Channel 2 sa "atake sa malayang pamamahayag" at diumano'y kamay dito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Taong 2018 kasi nang sabihin ni Digong na hindi niya ipare-renew ang prangkisa ng Kapamilya network matapos nilang hindi maiere ang ilan niyang patalastas noong 2016 presidential elections. Sa kabila niyan, itinatanggi ng Palasyo na nakialam sila sa pagpapaso ng prangkisa.
Una nang sinabi ng napaalis na housemate na humihingi siya ng tawad sa lahat ng mga Kapamilya, na siyang na-disinfranchise nang hindi sila nanumbalik sa sariling TV station.
Bukod pa riyan, naimpluwensyahan lang daw siya ng ilang kaibigan sa social media na "taga-Mindanao." Kilalang taga-Mindanao ang presidente.
"Alam ko po Kuya na nasaktan po kayo na minsan po isa rin ako sa mga sumang-ayon sa pagpapasara ng iyong tahanan. Noong mga panahong hindi ko pa alam 'yung mga nangyayari, 'yung mga totoong nangyayari po sa likod ng mga nakikita ko po, Kuya. I'm sorry po Kuya kung nasaktan ko po kayo at 'yung pamilya po ng ABS-CBN," sabi ni Russu kay Big Brother. — James Relativo