Asian academy creative awards ni Arjo inaabangan kung masusundan pa
Gumawa ng kasaysayan last year si Arjo Atayde sa Asian Academy Creative Awards (AAAs) 2020 matapos siyang magwagi bilang Best Actor at masungkit ang unang acting award ng Pilipinas sa main competition nito.
Para sa pagganap niya sa iWant original series na Bagman, nagtagumpay si Arjo laban kina Luo Jin (China), Manoj Bajpayee (India), Miller Khan (Indonesia), Bront Palarae (Malaysia), Anthony Wong (Hong Kong), Kha Ra (Myanmar), Zhang Yao Dong (Singapore), Prin Suparat (Thailand), at Ching-Ting Hsia (Taiwan).
Bago pangalanang pinakamagaling sa Asya, pinili ng jury members ng AAAs si Arjo bilang national winner na kumatawan sa Pilipinas sa Best Actor category.
Ang Dreamscape Entertainment at iWant (na ngayon ay kilala na bilang iWantTFC) naman ang pumili kay Arjo at nagpasok sa kanya sa local competition.
Bago pa man kilalanin sa ibang bansa, pinuri na ng maraming manonood at netizens sa Pilipinas ang pagganap ni Arjo bilang si Benjo Malaya, isang dating barberong umangat sa mundo ng pulitika at katiwalian.
Positibo rin ang reviews para sa dalawang seasons ng serye dahil sa matapang na paglalahad nito ng kalagayan ng lipunan at pagsusuri sa mundo ng pulitika at katiwalian. Napapanood pa rin ito sa iWantTFC app (iOS at Android) at sa site (iwanttfc.com).
Nasa ikatlong taon na ang AAAs, na itinuturing na pinakaprestihiyosong awards na kinikilala ang “creative excellence” sa buong Asia-Pacific kasama ang 16 bansa. Bahagi rin ito ng Singapore Media Festival.
Wala pang sinasabing bagong project si Arjo for 2021 at nakabantay ang kanyang followers kung masusundan pa ang nasabi niyang award.
- Latest