Ngayong taong ito, ang inaabangan ng mga tao ay ang serye nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. Natural lang naman iyon dahil ang isang pelikulang ginawa nila ay naging pinakamalaking hit bago ang pandemya. Simula naman noon ay wala na silang ginawang proyektong magkasama, kaya gustong malaman ng mga tao kung kakayanin kaya nila kahit na may pandemya pa.
Batayan nga siguro ang ginawang virtual concert ni Daniel na napanood lamang online, at sinasabing kumita rin nang malaki iyon. Ang kita ay hindi kasing laki ng sa live concert, dahil siyempre sa live, mas mahal ang bayad sa ticket, pero sinasabi nilang nakuha rin nila ang laki ng audience na target nila.
Sabi nga ng observers, kung ang concert ay nagawa niya, maaari rin sigurong makuha niya ang target audience ng isang serye sa telebisyon kahit na hindi sila actually napapanood sa free TV at nasa cable at internet platforms lang. Iyon naman kasing nakuha nilang A2Z, hindi naman napapanood nationwide.
May nagsasabi pa nga na siguro kung ang gumawa ng pelikula para sa natapos na Metro Manila Film Festival (MMFF) ay ang KathNiel, baka mas kumita ang festival na iyan at hindi ganyang lahat sila ay naghihingalo. Iyon ang hindi nai-consider, walang malaking box office star na sumali sa MMFF. Oo nga at may mga dating box office stars na sumali, pero hindi na rin naman kasi sila ganoon kasikat ngayon eh.
Sa takbo ng industriya sa ngayon, talagang kailangan nga siguro nating balikan ang “star system.” Kailangan nating balikan ang malalaking stars na makakatawag ng pansin ng mga tao habang wala pang sinehan, para may magkainteres namang manood kahit na sa maliit na screen sa internet.
Maski ang TV. Nakita naman ninyo kung gaano kalalaki ang mga TV ngayon. Tapos kung off air nga ang istasyon at manonood lamang ang mga tao sa cellphone gamit ang internet, kailangan big stars iyan para pagtiyagaan nila. Kailangan nga siguro ng kagaya ng KathNiel.
Hintayin natin kung ano ang magiging dating ng KathNiel sa taong ito. Marami ang naniniwala na magiging maganda na kahit na papaano ang pasok ng 2021 sa ating lahat.
Nabanggit na rin lang ang MMFF na matatapos na bukas, wala na kasing extention iyan. Aywan kung itutuloy pa rin nila sa internet eh hindi naman kumikita.
Noong malaman ng malalaking producers na wala naman palang sinehan, kanya-kanya na sila ng alibi para masabing hindi nila matatapos ang kanilang pelikula. Hindi nila isinugal ang malalaking box office stars sa festival, ang unang dahilan ay lalaki ang kanilang puhunan dahil sa talent fees ng mga iyon at hindi sila siguradong makakabawi.
Ang opinion nga ng marami, siguro kung nagkaroon ng box office stars sa MMFF, kahit na papaano hindi maglulupasay nang ganyan ang kita ng mga pelikula. Kung may kagaya ng KathNiel, o Vice Ganda, o isang drama halimbawa ni Aga Muhlach, lalo na kung papayag na leading lady si Vilma Santos, aba kahit na walang sinehan ang festival na iyan, baka malakas ang naging dating.
Aktor na pa-pick up, choosy sa mga bading
Tatahi-tahimik, dahil may asawa na nga’t mga anak ngayon, pero nananatiling pantasya pa rin ng mga bading ang isang male star na sinasabi nga nilang “tama sa sukat.” Panay pa rin ang “throwback” nila sa panahong nakikipagkita pa iyon sa isang computer shop na katabi ng isang coffee shop at pumapayag pang makipag-date sa kanila. Noong naide-deliver pa raw iyan ng isang male bold star sa kanilang meeting place.
Pero sinasabi nila na kahit na ganoon, choosy pa rin ang male star. Basta hindi niya gusto ang makikipag-usap ay tinatanggihan niya. Kahit na nga raw si direk tinanggihan niya at nang pinilit siya talagang pumalag siya. Kaya naman ang feeling ng ibang bading, suwerte sila kung pumayag sa kanila ang male star.