^

PSN Showbiz

Mayor Goma, tutulungan ang babaeng nailigtas sa suicide

ISYU AT BANAT! - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon
Mayor Goma, tutulungan ang babaeng nailigtas sa suicide
Richard Gomez
STAR/ File

Si Mayor Richard Gomez ang kaila­ngang kumumbinsi sa isang 19 na taong gulang na babaeng nagtangkang magpakamatay noong isang araw, sa pamamagitan ng pagtalon mula sa isang water pipe na sinasabing dalawampung metro ang taas.

Ang babae ay dumaranas daw ng depression.

Kagagaling lang daw noon sa barangay kung saan sila nagkasundo ng kanyang asawa na maghihiwalay na, pero ang kanilang anak ay mapupunta sa kanyang asawa dahil wala naman siyang kakayahang buhayin ang bata. Ang babae na sinasabing nagsimulang dumanas ng depression simula noong mag-lockdown pa ay nagtangka na ngang tapusin ang kanyang buhay. Dalawang oras na pinakikiusapan iyon ng mga kamag-anak na huwag gawin ang kanyang binabalak. Iyon pala ang pogi lang nilang mayor ang makakakumbinsi sa kanya.

Nang matapos ang rescue ope­rations, ipinadala ni Mayor Goma ang babae sa ospital para mas ma-check up pa siya at matulu­ngan at nangako raw si mayor  na tutulungan siya.

Tingnan nga naman ninyo ang buhay ni Goma, ang sarap ng buhay niyan noong artista siya. Kung mga ganitong panahon, siguro ay nagbabakasyon siya at walang iniintinding trabaho. Ang kailangan lang niyang asikasuhin ay ang kanyang schedule at pag-aralan ang kanyang scripts. Pero tingnan ninyo ang buhay niya ngayon, kahit na holiday ay nagtatrabaho siya at pati iyang mga ganyang personal na problema, kailangan niyang harapin pero ganyan talaga dahil gusto niyang maging public servant.

Ang kay Goma naman, ang feeling niya ay “bayad utang na loob” iyan. Kahit na anong guwapo niya, hindi nga naman siya magiging kung sino ngayon kundi dahil sa suporta ng publiko. Pinasikat siya ng mga tao bilang isang actor. Hinangaan siya at nagbuhos din ng pera ang mga tao para mapanood ang kanyang mga pelikula. Naglaan sila ng oras para mapanood siya sa telebisyon.

Ang hindi nga lang niya napapansin, marami ang naghihintay ng serbisyo niya at hindi lamang mga taga-Ormoc. Siyempre lahat naman ay gustong magkaroon ng mahusay na public official.

Mga klasikong pelikula, parang may festival sa TV

Noong isang gabi, ang napanood namin sa telebisyon ay ang klasikong pelikulang Paradise Inn na ang bida ay si Lolita Rodriguez. Nang sumunod na araw, ang pelikulang Ina Ka ng Anak Mo, na ginawa ni Lino Brocka at ang artista ay sina Lolita Rodriguez din at Nora Aunor ang palabas. Inilabas ang Yamashita Treasure ni Chito Roño, na sinundan pa ng Magkaribal. Sa kabila namang channel palabas ang Darna.

Parang may malaking festival ng mga klasikong pelikula sa telebisyon, at napapanood nang libre.

Kaya hindi kami nagtataka sa sinasabing ang Metro Manila Film Festival ay kumita lamang ng labing isang milyon sa loob ng tatlong araw. Una, ang hirap na kokonekta ka pa sa internet. Hindi naman lahat ng tao ay may internet sa bahay. Kung gagamitin mo naman ang cellphone, magbabayad ka na para ka pang naninilip lang ng pinanonood mo. Tapos sa TV may mga klasikong pelikulang magaganda. Eh saan ka pa?

Mga producer ng MMFF, walang kita ngayong taon

Hanggang sa kabuuan ng Enero ang GCQ sa Metro Manila. Ibig sabihin, hanggang sa Enero ay wala pang bukas na sinehan, at wala nang pag-asa ang mga pelikula sa MMFF na makalabas sa sine.

Itinuloy nila iyan noong una sa pag-asang baka payagan ang mga sinehan kahit na sa panahon lamang ng festival, kaso tumanggi ang mga mayor. Isipin mo nga naman kung magkahawaan pa dahil sa panonood ng sine, eh wala namang kikitain ang gobyerno riyan dahil walang amusement tax iyan.

May mga producer na sumali dahil sa pag-asang may makukuha ngang sinehan, kaso nga ay wala. Kailangan nilang magtiis sa baryang kikitain nila, at ang beneficiaries ng festival ay tiyak na nganga. Sayang na sayang lang. Wala pang promo. Hindi napag-usapan at walang naging effort ang organi­zers na makatulong sa promo ng pelikula. Kagaya ng dati, umaasa lang sila sa mga producer ng pelikula.

Eh kung ganyan pa nga ang resulta dahil sa umiiral na quarantine? Hindi nakatulong iyan sa industriya kundi nalubog pa ang mga namuhunan.

RICHARD GOMEZ

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with